Nagsalita si Sen. Imee Marcos patungkol sa umuugong na bali-balitang magkakaroon ulit ng rigodon sa liderato ng Senado, na nauna nang kumalat sa social media.
Sa press briefing ni Marcos, Lunes, Setyembre 15, itinanggi niyang pinag-uusapan ng minorya ang tungkol sa posibilidad na maging Senate President si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Ayon sa sendora, wala silang napag-uusapan tungkol sa tangkang kudeta; subalit ang pinag-uusapan daw nila ay kanilang "staying alive," na hindi na niya inelaborate pa.
"Hindi, wala, walang pinag-uusapan na gano'n. Ang pinag-uusapan lang namin staying alive," anang senadora.
PAG-ALMA NINA SOTTO, LACSON SA FAKE NEWS
Nauna nang inalmahan ni Senate President Pro Tempore Panfilo "Ping" Lacson ang kumakalat na post sa social media na magkakaroon ulit ng "rigodon" o pagpapalit ng liderato sa Senado.
Sa nabanggit na umiikot na post na ibinahagi ng "OneTV Philippines" Facebook page, mababasang naka-secure umano ng sapat na numero ng boto si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano para mapalitan sa Senate Presidency ang kaluluklok lamang na si Senate President Tito Sotto III, noong Setyembre 8.
Naganap ang pagpapalit ng pagiging SP sa kasagsagan ng pangalawang hearing ng Senate Blue Ribbon Committee sa maanomalyang flood control projects.
Mababasa sa post, "BREAKING: Another Regodon in the Senate?"
"Senate Minority Leader Allan Peter Cayetano secures numbers for Senate presidency---One TV Philippines source."
Ibinahagi naman ito ni Lacson sa kaniyang social media post at nilinaw mismo na ito ay "fake news."
"Peke. Intended to deceive and confuse. Underestimating the intelligence of the new Senate majority bloc, nagba-baka sakaling may tumalon at magpirma. Malevolent, underhanded, foul and desperate. Kung may song na 'Achy Breaky Hearts', eto naman - 'Faky Breaky News,'" ani Lacson.
Kapansin-pansin ding may ilang mga salita sa nabanggit na balita na hindi tama ang pagkakabaybay gaya ng "regodon" (sa halip na rigodon) at pangalan ni Sen. Cayetano na "Allan" (na dapat ay Alan lamang).
KAUGNAY NA BALITA: 'Peke, intended to deceive and confuse!' 'Another rigodon' sa Senado, pinalagan ni Sen. Lacson
Maging si Senate President Tito Sotto III, pinalagan din ang nabanggit na fake news.
"Mag ingat tayo sa mga pekeng ‘news’ page na nagkakalat ng mga balitang nakakadagdag pa sa kaguluhan na pinagdadaanan ng ating bansa ngayon," aniya.
KAUGNAY NA BALITA: SP Sotto, pinag-iingat ang publiko sa mga pekeng 'news' page
Matatandaang bukod kay Sotto na pinalitan si Sen. Chiz Escudero bilang Senate President, si Lacson naman ay pumalit sa dating Senate President Pro Tempore na si Jinggoy Estrada.
Si Sen. Joel Villanueva, na dating Senate Majority Leader, ay pinalitan ni Sen. Migz Zubiri. Ang una naman ay naging Senate Deputy Minority Leader. Deputy Majority Leaders naman sina Sen. Risa Hontiveros at Sen. JV Ejercito.
Si Sotto na dating Senate Minority Leader ay pinalitan naman ni Sen. Alan Peter Cayetano.