Nakahanda umanong depensahan ni Senador Bong Go ang budget na nakalaan para sa mga atletang Pilipino bilang chairperson ng Senate Committee on Sports.
Sa isinagawang pagdinig sa Senado nitong Lunes, Setyembre 15, binigyang-diin ni Go ang halaga ng suporta para sa bawat atleta.
“Importante talaga ‘yong suporta sa atleta. Hindi lang po sa financial [kundi] ‘yong moral moral support, ‘yong suporta sa kanila ay pagkain, equipments, dormitoryo na komportable sila.”
Dagdag pa niya, “Dapat ‘yong atleta natin wala na pong dapat isipin pa. Dapat maglaro lang sila at naka-focus sila sa kanilang paglalaro. Kasi ‘pag may iniisip pa silang iba, mas mahihirapan po sila.”
Kasunod nito, nangako ang senador na nasa likod lang umano siya ng mga manlalaro sa bawat laban ng mga ito.
“Nasa likod n’yo lang po ako. Mambabatas naman kami. We defend your budget. Patuloy ko pong susuportahan ‘yan. Alang-alang sa ating mga atleta. Malayo po ang ating mararating,” aniya.
Matatandaang 2021 nang masungkit ng Pilipinas ang unang ginto sa Tokyo Olympics sa pamamagitan ng weightlifter na si Hidilyn Diaz.
Makalipas ang tatlong taon, dalawang ginto naman ang naiuwi ni Carlos Yulo sa floor exercise at vault finals ng men's artistic gymnastics sa ginanap na 2024 Paris Olympics.
MAKI-BALITA: The Golden Boy: Si Carlos Yulo at kaniyang dalawang gintong medalya