Kinaaliwan ng mga netizen ang naging Facebook post ng direktor na si Darryl Yap tungkol sa pag-nominate niya kay BB Gandanghari bilang President at kay veteran showbiz insider Cristy Fermin bilang Presidential Spokesperson, nitong Lunes, Setyembre 15.
Kaugnay ito sa sinabi ng award-winning director na si Lav Diaz na napapanahon na raw ikampanya si Unkabogable Star Vice Ganda bilang kandidato sa pagkapangulo sa 2028, na posibleng maging kalaban ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ito ni Diaz nang mag-guest siya sa podcast na "Ang Walang Kwentang Podcast" ng mga direktor na sina Antoinette Jadaone at JP Habac.
Binigyang-diin ni Diaz na seryoso ang kaniyang paniniwalang panahon na para pumasok sa politika si Vice Ganda. Aniya, "Seryoso 'yan ha, seryoso, kasi napaka-bleak ng future ‘pag hindi natin mawasak ‘yong wall na ‘yon—‘yong 'Sara Duterte wall,' which is coming which is coming," anang direktor.
“The nightmare is coming. It’s only two years away so we need to act. Gamitin natin ang pop culture to destroy that," giit pa niya.
Para kay Diaz, si Vice Ganda ang kasalukuyang may pinakamalakas na impluwensiya sa pop culture at bukas sa pagbibigay ng matapang na opinyon. Kaya panawagan niya, gawing kilusan ang ideya.
“Vice Ganda Movement. Vice Ganda for President. Start it now," panawagan niya.
Dagdag pa ng direktor, maaari umanong makapareha ng komedyante sa tiket sina Atty. Chel Diokno, Sen. Risa Hontiveros, o dating Vice President at ngayo'y Naga City Mayor Leni Robredo, bilang bise niya.
Nagpatawa naman si Jadaone na sana raw ay hindi mapanood ng mga Duterte supporter ang episode.
KAUGNAY NA BALITA: 'Pangwasak sa Sara Duterte wall?' Vice Ganda, pinatatakbong Presidente sa 2028 ni Lav Diaz
KAUGNAY NA BALITA: 'Chel, Risa, o Leni' puwedeng isama kay Vice Ganda sa pagtakbong Presidente—Lav Diaz
HIRIT NI DARRYL YAP
Kaya naman, sinabi ni Yap na kung pinatatakbo ni Diaz si Vice Ganda, ang ino-nominate naman niya ay sina BB Gandanghari bilang presidential candidate at Cristy Fermin nilang presidential spokesperson o tagapagsalita.
"dahil pinapatakbo ni Direk Lav Diaz si Vice Ganda, I RESPECTFULLY NOMINATE BB GANDANGHARI AS PRESIDENT and CRISTY FERMIN AS PRESIDENTIAL SPOKESPERSON," mababasa sa caption ng post ni Yap.
Kalakip ng post ng direktor ang isang art card kung saan mababasa ang umano'y matinding tirada ni BB kay Vice Ganda noon.
Mababasa, "Maswerte ka, sumikat ka, dahil bobita ka. 'Yon lang ang masasabi ko sa 'yo."
At si Cristy naman, matatandaang ilang beses na ring sinita at binanatan si Vice Ganda matapos masangkot sa iba't ibang isyu.
Si Vice naman, diretsahang nagpapasaring din naman kay Cristy dahil sa mga banat sa kaniya sa shows niya sa telebisyon at vlog.
Anyway, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Vice Ganda patungkol sa naging saloobin ni Lav Diaz sa posibilidad na pagtakbo niya bilang presidente sa 2028.