Isa sa mga hot topic na napag-usapan sa entertainment vlog na "Ogie Diaz Showbiz Update" noong Sunday Episode, Setyembre 14, ay tungkol sa ilong ni Kapuso star Sanya Lopez.
Ayon kay Ogie, grabe raw ang "eagle-eyes" ng mga netizen kay Sanya Lopez pagdating sa kaniyang ilong. Tanong ng mga netizen ay kung pinagawa na naman daw ba, dahil ayon naman sa ilang mga post sa iba't ibang social media pages, kung titingnan daw, parang "baliko" na raw ang ilong ng "Hot Maria Clara."
Bukod sa mga netizen, ibinahagi rin nila ang naging apela ng tinaguriang "Queen Sawsawera" na si RR Enriquez para kay Sanya, na ipaulit sa doktor ang pagpapagawa niya sa ilong.
"Sanya utang na loob. Ipaulit mo ang nose mo. Hindi pantay. Hindi yan panlalait. Concern ako. Nakakainis yung Doctor mo. Nilaro ka," mababasa sa Instagram story ni RR, na ipinakita naman nina Ogie sa kanilang vlog.
Sey ni Ogie, ang napapansin daw ng mga netizen ay ang columella ng ilong ni Sanya.
Marami raw nanghihinayang sa hitsura ni Sanya dahil ang ganda-ganda na raw niya noon pa man. Pinatotohanan naman ito ni Ogie nang huli raw niyang makita ang aktres.
Para kay Ogie, wala naman daw problema kung nagpagawa, dahil ang iba pa nga raw, hinahangaan dahil sa magandang kinalabasan. Kagaya na lamang daw nina Stell Ajero ng SB19 at Kapuso actress Herlene Budol, bagay na hindi raw nila dineny.
Hindi naman na raw isyu ngayon ang pagpapa-enhance, pero nagiging isyu raw ito kapag palpak.
Speaking of ilong, ibinahagi naman ng social media personality, TV host, at aktres na si Alex Gonzaga na pinaalis na niya ang ipinalagay niyang gortex sa kaniyang ilong, ayon sa kaniyang latest vlog noong Linggo, Setyembre 14.
Ibinahagi ni Alex sa kaniyang Facebook post ang link ng kaniyang bagong vlog na naka-upload sa YouTube channel niya, na nagpapaliwanag sa dahilan kung bakit pinaalis niya ang rhinoplasty implant sa kaniyang ilong.
"Parang naglalaro nalang pero legit na pinatanggal ko na ilong ko!! Back to normal nose na tayo," aniya.
Paliwanag ni Alex sa kaniyang vlog, makalipas ang dalawang taon matapos ang pagpapailong, napagdesisyunan niyang ipatanggal na lang ang gortex dahil sa concern ng pamumula ng ilong niya.
Ang gumawa ng kaniyang rhinoplasty implant ay si celebrity doctor Dra. Vicki Belo.
"After two years, nakapag-decide na 'ko na tanggalin ko na lang," aniya.
"Isa sa mga pinaka naging concern ko is, even sina Toni Fowler napapansin nila, is laging namumula 'yong ilong ko," paliwanag ni Alex.
Namumula raw ang ilong niya lalo na raw kapag malamig ang temperatura, kapag puyat o pagod siya, lalo na raw kapag nasa ibang bansa silang may malamig na klima.
Kaya nang tinanong daw siya ni Belo kung okay na sa kaniyang ipabago o tanggalin, nakapagpasiya naman ang sisteret ni Toni Gonzaga na alisin na lang.
KAUGNAY NA BALITA: 'Back to normal nose!' Alex Gonzaga, pinatanggal pinalagay sa ilong
Anyway, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Sanya hinggil sa isyung ito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.