Magdedeklara ng full alert status ang hanay ng kapulisan para sa malawakang kilos-protestang ikakasa sa Luneta Park sa Maynila sa darating na Linggo, Setyembre 21, 2025.
Sa press briefing nitong Lunes, Setyembre 15, iginiit ni Police Brigadier General Randulf Tuaño na ikakasa nila ang full-alert status sa mga susunod na araw.
"Magde-declare ng full alert status sa [National Capital Region Police Office] sa mga darating na araw," saad ni Tuaño.
Ayon pa kay Tuaño, sa ilalim ng full alert statues, inaasahan daw ang mas maraming deployment ng kapulisan dahil ipinagbabawal daw sa naturang staus ang anumang absences at leaves sa kanilang hanay.
Samantala, sa kabila ng malawakang panawagan sa social media na dumalo sa nasabing kilos-protesta sa Luneta, nilinaw naman ni Manila Police District (MPD) spokesperson Police Major Phillip Ines na wala pa silang namo-monitor na anumang banta sa seguridad ng publiko.
"Sa ngayon, wala po tayong natatanggap na anumang banta," saad ni Ines.
Dagdag pa niya, "Kung meron man po, hindi po natin ito ipagkikibit-balikat. Magkakaroon po tayo ng assessment, evaluation. Titignan po natin yung level of threat."
Narito ang lugar ng deployment ng tinatayang 957 miyembro ng MPD:
Malacañang Palace
Department of Public Works and Highways Central Office
United States Embassy
Luneta Park
Liwasang Bonifacio
Mendiola
España Boulevard