Handa umano ang ahensya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa inanunsyong transport strike ng transport groups na Piston at Manibela.
Ayon sa naging panayam ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes sa Super Radyo DZBB nitong Lunes, Setyembre 15, sinaad niyang nakipag-ugnayan na umano sila sa iba pang mga grupo bukod sa Manibela at Piston.
Aniya, tiniyak naman ng ibang mga grupo sa kanilang ahensya na hindi sila sasama sa tigil-pasada ng mga naunang grupo.
“Tayo po ay nakikipag-ugnayan sa iba pang grupo na nagsabi naman po na hindi sila sasama,” pagbabahagi ni Artes.
Pagpapatuloy niya, makikipag-ugnayan pa umano ang MMDA sa Department of Transportation of the Philippines (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang maghanda ng libreng sakay para sa mga pasaherong maapektuhan ng tigil-pasada.
“Pero makikipag-ugnayan po tayo sa DOTr at LTFRB at ganoon din po sa mga LGUs na mag-stand by po ng mga libreng sakay na kung sakali po na kakailanganin ay atin pong idi-dispatch. Para po ma-ensure na ‘yong ating mga kababayan natin ay makakapagbyaheng ligtas at convenient naman po,” anang Artes.
Dagdag pa ni Artes, handa ang ahensya ng MMDA sa mga ganitong tigil-pasada dahil nagawa na nila umano ito pangasiwaan noong mga nagdaang tigil-pasada ng nasabing grupo.
“Maghahanda naman po tayo ng libreng sakay. Kung pagbabasehan naman po ‘yong mga nakaraang protesta nila, na-manage naman po natin at na-minimize nga po ‘yong inconvenience sa atin pong mga mananakay,” ‘ika ni Artes.
Matatandaang nag-anunsyo na ang Manibela na magsasagawa umano sila ng tigil-pasada bilang aksyon laban sa maanomalyang mga proyekto sa flood-control.
KAUGNAY NA BALITA: Manibela, magkakaroon ng 3 araw na transport strike kontra korupsyon
Ayon sa mga ulat, magsisimula ang nationwide na transportation strike ng kanilang grupo mula sa darating na Miyerkules, Setyembre 17 hanggang sa Biyernes, Setyembre 19, 2025.
Magsisilbi umano nila itong kilos-protesta laban sa mga katiwaliang ugnay sa flood-control projects.
Ayon sa grupo ng Manibela, binigyang-diin ng nila ang hinaing na pagkasayang ng mga excise tax mula sa diesel na binabayaran nila umano araw-araw sa pamamasada para maipandagdag sa pondo ng flood-control projects ngunit napupunta lang umano ang kanilang sakripisyo sa marangyang pamumuhay ng ilang mga opisyal at kaanak nito.
Ganoon din ang transport group na Piston.
KAUGNAY NA BALITA: PISTON, magkakasa ng transport strike kontra korapsyon
Kung saan layunin umano nilang makiisa sa pangangalampag laban sa korapsyon na nauugnay sa maanomalyang flood control projects.
Ayon sa mga ulat, tinatayang nasa ₱12,000 ang binabayarang buwanang buwis ng mga tsuper kaya't oras na raw upang makiisa sila sa pangangalampag sa gobyerno hinggil sa paglulustay ng kaban ng bayan.
Nakatakdang magsimula ang tigil-pasada ng Piston sa darating na Huwebes, Setyembre 18, 2025.
Mc Vincent Mirabuna/Balita