Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbabalik ng local government clearance requirement sa mga proyektong imprastraktura.
“We are putting it back because that is one of the best safeguards that we have,” saad ni PBBM sa kaniyang talumpati sa press briefing sa Malacañang noong Lunes, Setyembre 15.
Ipinaliwanag din niya na ang direktibang ito ay nag-oobliga sa mga ehekutibo ng LGU na pormal munang tanggapin ang mga proyekto bago ito matapos para sa maiging pagkilatis at maiwasan ang substandard na kalidad ng proyekto.
“Pag nasa LGU ka, di mo naman pinagkakakitaan ‘yong project. Kaya ang maliwanag, titignan nito talaga na tama na ‘yong kalsada, ‘yong flood control, lahat ‘yan” aniya.
“So, I have instructed the DPWH, for that matter, all of the departments to return that,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin niya na bagama’t inalis ito sa nakaraang administrasyon, kaniya ulit ibinabalik ang Local Government Clearance bilang pagtitiyak na maayos ang mga proyekto.
Sa kaugnay na balita, tiniyak ni PBBM na gagawin ng bagong lunsad na Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mandato nito nang walang kinikilingan, at walang kapamilya o kaalyansa ang palalagpasin sa mga imbestigasyon ng komisyong ito.
“They will not be spared,” pagtitiyak ng Pangulo.
Sean Antonio/BALITA