Nilagdaan at inaprubahan kamakailan lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagtatalaga sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), isang komisyon na siyang mag-iimbestiga sa umano’y anomalya ng mga flood control projects sa bansa.
KAUGNAY NA BALITA: Romualdez sa pagtatag ng independent body na mag-imbestiga ng flood control scam: 'Managot dapat managot!'-Balita
Kasabay nito ay ang appointment ng magiging special adviser at investigator, pati na rin ang mga magiging miyembro ng komisyon.
Matatandaang pinili bilang special adviser at investigator ng ICI si Baguio City Mayor Benjie Magalong, at mga miyembro naman sina dating Department of Public Works and Highways Sec. Rogelio Singson at SGV Country Managing Partner Rossana Fajardo.
KAUGNAY NA BALITA: Trillanes, aabangan si Magalong bilang special adviser ng Independent Commission -Balita
Nito lamang Lunes, Setyembre 15, inanunsyo na rin ang pagkakatalaga ni Ex-Justice Andres B. Reyes Jr. bilang chairperson ng ICI.
Personal na Impormasyon ni Ex-Justice Andres B. Reyes Jr.
Si Andres B. Reyes Jr. ay ang bunsong anak nina Minerva Bernal at dating Court of Appeals’ (CA) Presiding Judge Justice Andres C. Reyes, Sr. Siya ay isinilang noong Mayo 11, 1950, at ang ikatlong henerasyon ng “justices” sa kanilang angkan. Ang kaniyang lolo na si Alex A. Reyes, Sr., ay isa ring dating justice ng CA at Korte Suprema.
Tinahak na Edukasyon ni Reyes Jr.
Luntian ang kinagisnang kulay ni Andres B. Reyes, Jr. sapagkat magmula noong siya ay elementarya hanggang sekondarya, ginugol niya ang kanyang edukasyon sa La Salle Green Hills (LSGH) at sa De La Salle University (DLSU).
Nang siya ay magkolehiyo, nag-aral naman siya sa St. Mary’s College of California, kung saan kinuha niya ang kaniyang Bachelor of Science (BS) in Economics degree.Tinapos niya rin ang kaniyang abogasiya sa Ateneo De Manila University (ADMU), kung saan naging miyembro din siya ng Fraternal Order ng Utopia. Noong 2002, matagumpay niyang nakuha ang kaniyang Master’s degree sa Public Adminstration sa Philippine Women’s University.
Karanasan sa Politika
Si Justice Andres Jr. ay naging trial judge sa loob ng 12 taon mula noong 1987, at naatasan din maging Associate Justice ng Court of Appeals (CA). Naging Presiding Judge naman siya ng parehong korte noong Pebrero 10, 2010. Noong 2017 hanggang 2020, nanilbihan si Reyes Jr. bilang Associate Justice ng Korte Suprema.
Matatandaang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-appoint kay Reyes Jr. bilang Associate Justice ng SC, at humarap sa mandatory retirement noong Mayo 11, 2025, nang siya ay tumungtong ng 70 taong gulang.
Vincent Gutierrez/BALITA
KILALANIN: Ang itinalagang ICI Head na si Ex-Justice Andres B. Reyes Jr.
Photo courtesy, SC, MB