Nagbigay ng payo si award-winning Kapuso journalist-documentarist Kara David sa mga taong mahilig mag-flex sa social media.
Sa latest episode ng vodcast na “Your Honor” kamakailan, sinabi ni Kara na wala naman umanong masama na ibida sa publiko ang iba’t ibang bagay.
Aniya, “Okay lang mag-flex kung galing naman kung galing naman sa malinis [na paraan].”
Ayon kay Kara, maging siya rin daw ay nagpe-flex minsan ngunit hindi para ibida ang mamamahaling gamit na mayroon siya.
“‘Yong pine-flex ko, halimbawa, ‘yong nagbibisikleta ako. Tapos nagkataon na ‘yong bisikleta ko medyo mamahalin. Pero hindi ko pine-flex ‘yong bisikleta,” anang mamamahayag.
“Ang pine-flex ko,” pagpapatuloy niya, “ay ‘yong the fact that I’m 52 and I’m still biking. Na parang kung ako 52 years old at may trabaho na ganito, busy na tao, kaya kong isingit ‘yong exercise. Makakaya rin ng iba.”
Kaya ang payo ni Kara, “Siguro kung magpe-flex, number one, siguraduhin na galing sa malinis na paraan ‘yong source ng pine-flex mo. And number two, may malalim na reason kung bakit ka nagpe-flex. [...] Hindi ‘yong parang yabang lang.”
Matatandaang kinuyog kamakailan ang ilang personalidad na panay ang flex ng maluhong pamumuhay.
Natuklasan kasi ng publiko ang ugnayan ng mga ito sa mga politiko at opisyal na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Basahin: ALAMIN: Ang terminolohiyang 'nepotismo' at pag-usbong ng 'nepo babies'