"Pag nadapa talaga 'yan tatawanan ko 'yan," kuwelang sabi ng tour guide.
Ibinahagi ng isang netizen ang kuwelang tagpo nila ng kaniyang tour guide nang umakyat siya sa Mt. Pinatubo.
Sa isang TikTok video ni Juvy Auditor, mapapanood ang mga kuwelang biro ng tour guide niyang si Carlito Runez.
"My first hike is a blast with this kulit tour guide Kuya Carlito,” nakasaad sa caption ng video.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Auditor, sinabi niyang sobrang nag-enjoy siya sa kaniyang first hike bilang first timer at solo joiner pa.
"Sobrang saya as a first timer, tapos solo pa! Na-enjoy ko talaga yung sarili ko kasama ang nature. Nakakapagod, yes, pero sobrang nakakakilig at nakakawala ng pagod pag nasa summit ka na. Kaya ngayon, gets ko na yung mga taong mahilig sa hiking," aniya. "Sobrang na-enjoy ko, as in sobra! And definitely uulitin ko ulit umakyat ng bundok."
Kuwento pa niya, mas naging magaan at madali ang pag-akyat at pagbaba niya ng bundok dahil sa kuwela niyang tour guide.
"Si Kuya Carlito, ang saya niyang kasama at ang galing niya mag-picture/video to be honest, hahahaha! Si Kuya Carlito parang tough-love type, talagang ipipilit niya na kaya ko kahit first timer. And surprisingly, kami pa ang unang nakababa ng bundok sa buong grupo!" sey ni Auditor.
Dagdag pa niya, "Dahil sa mga conversation namin, hindi ko na namalayan na nakaakyat-baba na pala kami. Mas naging bearable yung trek kasi may makulit at bubbly na tour guide na kasama."
Mas gusto raw talaga ng tour guide niya na magkaroon ng interaction sa mga turista. May iba raw kasi na hindi siya pinapansin o walang conversation at all.
"Na-share din ni Kuya Carlito na mas gusto niya yung may interaction with the tourists, kasi daw yung iba hindi siya pinapansin or walang conversation at all. Pero na-sense niya na gusto ko rin naman makipag-usap sa kanya, kaya ayun lumabas na yung kakulitan niya."