Tila isang kakaibang commuter experience ang naranasan ng mag-jowa kung saan makikita sa isang TikTok video na sa pinakalikod ng van sila pinaupo ng driver.
“Nilagay ba naman sa lagayan ng bagahe e," kuwelang sabi ng uploader sa caption.
Sa eksklusibong panayam ng Balita sa uploader na si Samantha San Juan, sinabi niyang pauwi na sila ng kaniyang boyfriend galing Festival Mall no’ng oras na ‘yon at hindi nila inakalang sa pinakalikod sila pauupuin.
“Sabi kasi meron pa raw po dalawa. Tapos nagulat kami likod ng van ang inopen. Puno na kasi sa loob pero hindi namin alam na sa likod kami isasakay,” ani San Juan.
Kuwento pa niya, medyo nakakatakot ang experience lalo’t expressway ang daan nila.
"Nakakahilo and maalog po sa likod. Medyo nakakatakot din kasi expressway ang dinaanan namin. So, nakakatakot kasi feeling namin kami unang mapipisa,” kuwento ng uploader.
Hindi naman daw nakaka-suffocate sa likod dahil malamig at merong fan sa loob.
Paliwanag pa ni San Juan, last trip na raw ang nasakyan nila.