Simula ngayong linggo, inoobliga na mag-commute ni Acting Transportation Sec. Giovanni Lopez ang mga opisyales ng Department of Transportation (DOTr).
Sa ibinabang memorandum ni Lopez noong Lunes, Setyembre 15, inuutusan nang gumamit ng pampublikong transportasyon ang mga opisyal ng road and rail sectors isang beses kada linggo sa layong maranasan at makita ng mga ito ang pangangailangan ng commuters.
“Itong mga opisyal natin sa Road at Rail sector, sila talaga ‘yung mga dapat lumalabas lagi kasi karamihan ng ating mga proyekto ay nasa mga sektor na ito,” saad ni Lopez.
“‘Yung mga ibang opisyal naman sa ibang sectors, hinihikayat din nating mag-commute dahil ito lang talaga yung paraan para makita at madama first hand kung ano ba ang hirap na nararanasan ng mga commuters,” aniya pa.
Sa pagsasagawa ng direktibang ito, inaasahan ding magsumite ng kanilang report ang mga opisyales, kasama ang mga rekomendasyon at action plan para mas mapagbuti ang pampublikong transportasyon.
Sa kaugnay na balita, sinimulan na ni Lopez ang pagsakay sa ilang pampublikong sasakyan noong Lunes din, Setyembre 15, kung saan siya’y sumakay ng bus at MRT-3 mula sa Ever Gotesco sa Commonwealth.
KAUGNAY NA BALITA: DOTr Acting Sec. Giovanni Lopez, sinubukan maging pasahero sa kasagsagan ng 'Monday Rush Hour'
Sean Antonio/BALITA