“Talagang mahirap ‘yong dinaranas ng mga kababayan natin araw-araw, parusa at nakakapagod ang pagkokomyut,” ito ang saad ni Acting Transportation Sec. Giovanni Lopez sa kaniyang pagsilip sa sitwasyon ng mga komyuter noong Lunes, Setyembre 15.
Sa Facebook page ng Department of Transportation (DOTr), ipinakitang sinubukan ni Lopez ang “commuter experience” sa kasagsagan ng “Monday Rush Hour” sa Commonwealth Ave., Quezon City.
Mula sa Ever Gotesco sa Commonwealth, sumakay siya ng bus at MRT-3, kasama rin sa kaniyang operasyon ay pag-akyat sa tinaguriang “Mt. Kamuning” sa EDSA highway.
Sa kaniyang statement sa social media, binanggit ng Kalihim na “talagang mahirap sumakay lalo na kapag rush hour, pati na rin ang lubhang kakulangan ng pampublikong transportasyon.”
Kung kaya nama’y ibinahagi niyang agaran itong gagawan ng aksyon sa layong mapagaan ang karanasan ng mga komyuter.
“Gagawan natin ng agarang solusyon ito para kahit pa-paano mapagaan natin ang nararanasan nila sa pag-commute at di masayang ang oras nila,” aniya.
Sa dagdag na statement, magbababa na rin daw ng utos ang Kalihim sa Land Transportation Office (LTO) at Philippine Coast Guard (PCG) na dagdagan ang mga traffic enforcer at personnel sa Commonwealth Ave., bilang tulong sa enforcers ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para masigurado na maayos ang daloy ng trapiko.
Kasama rin sa aksyon ng Kalihim ay ang paga-atas sa and Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na magdagdag ng mga Public Utility Vehicles (PUVs) at pagi-isyu ng prangkisa sa mga lugar na mataas ang bilang ng mga pasahero para mas marami ang makabyaheng pampublikong jeep.
Sean Antonio/BALITA