Nagsampa ng walong kasong kriminal si Davao City acting Mayor Baste Duterte laban kina Jonvic Remulla, Gilbert Teodoro, Eduardo Año, Jesus Crispin Remulla, Nicolas Torre, at pitong iba pa.
Sa isang Facebook post ni Atty. Israelito Torreon nitong Lunes, Setyembre 15, makikita ang kopya ng dokumentong isinumite ng kampo ni Duterte sa opisina ng Ombudsman sa Mindanao.
Bukod sa mga una nang binanggit, narito ang iba pang opisyal na kinasuhan: Usec. Nicholas Felix Ty, PGeneral Rommel Francisco Marvin, Markus Lacanilao, Prosecutor Richard Anthony Fadullon, PGeneral Jean Fajardo, at John Does and Jane Does.
Matatandaang ikinokonsidera ng kampo ng mga Duterte na ang pag-aresto sa kanilang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay isa umanong kidnapping.
Noong Marso 11, 2025 lang nang silbihan ng International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest si Duterte para umano sa “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng war on drugs ng administrasyon nito.
Kasalukuyang nakapiit ang dating pangulo sa ICC detention center sa The Hague, Netherlands.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD