May banat sa sesyon ng Senado si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa hinggil sa mga nakaraang pahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto sa pinagtalunan nilang paglilipat sa kustodiya ni Engr. Brice Hernandez.
Sa sesyon ng Senado nitong Lunes, Setyembre 15, 2025, nilinaw ni Dela Rosa na hindi lang daw gimik ang mga naging pag-alma ng Senate Minority nang magdesisyon ang Senado na ilipat ang pisikal na kustodiya ni Hernandez Custodial Facility ng PNP, matapos nila itong ipa-contempt.
“Gimik lang ng minority 'yan. Ang Senado po hindi po ito noontime TV show na puro gimik ang ating tine-take up dito,” anang senador.
Kaugnay ito ng pahayag ni Sotto na “gimik” lang daw ang batikos sa kaniya ng minorya hinggil sa isyu ng kustodiya ni Hernandez.
Dagdag pa niya, “Tayo po ay nagre-raise ng legitimate issues, which requires legitimate attention.”
Bago nito, binira din ni Dela Rosa ang isa pang pahayag ni Sotto hinggil sa “mamatay sila sa sama ng loob,” na ayon sa kaniya ay wala raw silang sama ng loob sa pagiging minorya nila sa Senado.
Bunsod nito, napilitang sumagot si Sotto, “I'm not supposed to do this, I'm not supposed to answer you... But I cannot help but do that because you took the floor and parang sinisita mo yung Senate President, which is very unparliamentary.”
Paliwanag niya, ang mga trolls daw ang kaniyang pinatatamaan sa nasabing mga pahayag at hindi ang kapuwa mga senador.
Samantala, nitong Lunes din nang opisyal ng ibinalik sa kustodiya ng Senado ang pagkakadetine ni Hernandez mula sa Pasay City Jail. Bago nito, matatandaang napagdesisyon muna siyang ilagay sa PNP Custodial Jail.
KAUGNAY NA BALITA: Kampo ni Brice Hernandez, pumalag sa desisyon ng Senado na ilipat siya sa Pasay City Jail