December 21, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Ano ang PCOS at paano nito naaapektuhan ang kalusugan ng kababaihan?

ALAMIN: Ano ang PCOS at paano nito naaapektuhan ang kalusugan ng kababaihan?
Photo courtesy: Freepik

Ang Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) ay isang pangkaraniwan ngunit komplikadong sakit na nakaaapekto sa maraming kababaihan, kung saan, maraming pagbabago ang nagagawa nito sa katawan. 

Sa iba’t ibang parte ng mundo, may ilang sikat na personalidad na nagbahagi ng kanilang karanasan sa PCOS tulad nina Lea Michele ng Glee na nagkuwento ng kaniyang hirap sa pagbubuntis; Victoria Beckham na isang fashion designer, na ikinuwentong siya ay na-diagnose habang sinusubukan magbuntis sa kaniyang pang-apat na anak; si Sitti Navarro na nagbahagi ng kaniyang “miracle pregnancy”; at si WinWyn Marquez na nakaranas ng weight gain dala ng PCOS. 

Kung kaya naman, alamin kung ano ang PCOS at paano nito naaapektuhan ang pangangatawan ng isang babae na nada-diagnose nito: 

Ang PCOS ay isang hormonal imbalance sa mga obaryo, kung saan, ito ay naglalabas ng abnormal na dami ng androgens, ang grupo ng hormone na responsable sa development ng mga panlalaking karakterismo. 

Human-Interest

ALAMIN: Gaano kadalas ba dapat magpalit ng kobrekama at punda ng unan?

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang PCOS ay isang chronic condition o pangmatagalang problema na nangangailangan ng patuloy na atensyong medikal, at sa kasalukuyan ay wala pang tiyak na lunas. 

Gayunpaman, maaari pa rin daw na mas mapagbuti ang mga sintomas sa pamamagitan ng lifestyle changes, at mga naaayong treatment at gamutan. 

Ayon sa UK Research Innovation, mahigit-kumulang 4.5 milyong Pinay ang namumuhay na mayroon PCOS, at sa dagdag na lathala ng WHO, mga babaeng nasa edad 15 hanggang 49 ang kadalasang tinatamaan nito. 

Kung kaya sa bansa, may ilang mga batas na naglalayong protektahan at pangalagaan ang kalusugan ng kababaihan tulad ng Republic Act (RA) No. 9710 o ang Magna Carta of Women (MCW), at ang RA 10354 o ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Act. 

Ang MCW ay ang komprehensibong batas para sa kababaihan na naglalayong protektahan ang kababaihan mula sa mga diskriminasyon habang binibigyan ang mga ito ng pantay na karapatan para sa trabaho, edukasyon, at pagpapangalan sa mga ari-arian. 

Sa ilalim din ng MCW ay binibigyang karapatan ang mga kababaihan na magkaroon ng “Special Leave Benefit,” isang leave entitlement na tumatagal ng 2 buwan at nagbibigay ng full pay para  sa mga sasailalim sa surgical treatment tulad ng myomectomy, hysterectomy, at ovariectomy. 

Ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Act, kilala rin bilang RH Law, ay nagbibigay access sa mga serbisyong family planning, reproductive health and sexuality education para sa mga kabataan, at maternal health care. 

Bukod sa mga probisyong ito, alamin din kung ano ang mga sintomas at ano ang mga maaaring gawin para maagapan ito: 

Habang hindi pa natutukoy ng mga eksperto ang tiyak na sanhi ng PCOS, malaki ang gampanin ng genetics sa mga lumalabas na sintomas, kung saan, ayon pa sa pag-aaral ng John Hopkins Medicine, mas mataas ang pagkakaroon nito kung mayroong miyembro ng pamilya ang na-diagnose na. 

Dagdag pa na risk factor ay kung mayroong insulin resistance o obese. 

Ang ilan sa mga sintomas ng PCOS ay: 

- Iregular na pagkakaroon ng regla

- Pagkakaroon ng tigyawat o oily skin

- Weight gain lalo na sa parte ng tyan

- Pagninipis ng buhok 

- Hirsutism o pagkakaroon ng extrang buhok sa mukha o iba pang parte ng katawan

- Pagkabaog

Ayon sa WHO, ang mga babaeng may PCOS ay kadalasang nagkakaroon ng mga sakit na: 

- Type 2 diabetes

- Hypertension (High Blood Pressure)

- Mataas na kolesterol 

- Sakit sa puso

- Endometrial Cancer

Ayon din sa kanilang pag-aaral, ang PCOS ay kadalasang nagdudulot ng anxiety, depression, at negatibong body image dahil sa ilang sintomas na nakaaapekto sa anyo ng katawan tulad ng obesity at abnormal na dami ng buhok sa iba’t ibang parte katawan. 

Habang wala pang tiyak na lunas dito, inaabiso ng WHO ang pagkakaroon ng healthy diet at aktibong lifestyle na puwedeng makatulong sa pagbabawas ng timbang at panganib ng type 2 diabetes. 

Kasama rin dito ang pakikipag-usap sa isang healthcare professional para sa mga mas angkop na counseling at treatment. 

Sean Antonio/BALITA