December 13, 2025

Home BALITA National

'Ako ba ang pinatutungkulan niya?' Sen. Marcoleta, kinuwestiyon si SP Sotto sa sinabing nag-edit ng affidavit ng mga Discaya

'Ako ba ang pinatutungkulan niya?' Sen. Marcoleta, kinuwestiyon si SP Sotto sa sinabing nag-edit ng affidavit ng mga Discaya
Photo courtesy: Senate of the Philippines (YT), MB FILE PHOTO

Umalma ang senador na si Sen. Rodante Marcoleta kaugnay sa sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III noon na baka umano may nag-edit ng ipinasang affidavit para sa Witness Protection Program (WPP) ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.

Ayon sa isinagawang press conference ni Marcoleta nitong Lunes, Setyembre 15, 2025, ipinaliwanag niyang kumilos lang umano siya na naaayon sa ipinag-uutos ng batas sa pagpapasa ng affidavit para sa mga Discaya.

“Hiningi niya ‘yon at nasa batas na kinakailangan ibigay sapagkat nanganganib nga ‘yung buhay niya sang-ayon sa kanilang pahayag,” paglilinaw ni Marcoleta sa press conference.

Dagdag pa niya, “[n]akikita ko rin sa tahanan nila, pinagbababato sila… Ilalagay ko pa ba sa kamay ko ang kaligtasan ng mag-asawa na ‘yon?”

National

Empleyadong sapilitang pinapasayaw sa Christmas party, puwedeng magreklamo—DOLE

Sa pagpapatuloy ni Marcoleta, kinuwestiyon niya ang naging pahayag noon ni Sotto sa isang panayam kung saan nabanggit nitong tila “edited” umano ang affidavit na ipinasa ng mag-asawang para sa WPP na kanilang hiniling sa Department of Justice (DOJ).

Ani ni Marcoleta, paano raw umano nasabi ni Sotto iyon at kung siya ba raw ang pinatutungkulan ng senate president.

“How can the Senate President say this? What is his basis for doing this? This is a serious charge. Sino po ang nag-edit? Ako ba ang pinatutungkulan niya?” pagtatanong ni Marcoleta.

Matatandaang kinumpirma ni Sotto noong Setyembre 10, 2025, sa Radyo DZBB na si Marcoleta ang nagbigay sa kaniya ng affidavit para sa WPP ng mag-asawang Discaya.

KAUGNAY NA BALITA: Rekomendasyon ni Marcoleta na gawing 'state witness' mga Discaya, ‘di pinirmahan ni Sotto

“Bago nagkapalitan noong gabi, mayroong ipinadala sa akin si Sen. Marcoleta na may naka-address kay Boying Remulla, kay Sec. Remulla, DOJ na inirerekomenda n’ya mag-state witness under WPP ang Discaya couple,” ani noon ni Sotto.

Paglilinaw naman niya, hindi niya raw ito pinirmahan dahil hihintayin pa muna niya ang susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa isyu ng flood control project na nakatakda nang pangunahan ni Senate President Pro Tempore Sen. Panfilo “Ping” Lacson.

Ngunit hindi ito ito pinirmahan ni Sotto at ng DOJ Secretary na si Jesus Crispin C. Remulla.

Nauna na noong sinabi ni Remulla na bago niya umano pirmahan ang affidavit ng mag-asawa ay ibalik daw muna umano nila ang mga perang ninakaw nila.

Ayon naman kay Sotto, hindi muna niya pipirmahan ang affidavit ng mag-asawang Discaya dahil may mga sabit pa umano ito sa imbestigasyon ng maanomalyang flood-control projects.

Samantala, iginiit naman ni Marcoleta sa kaniyang press conference na ang mga nasabing rason nina Sotto at Remulla ay hindi umano nasasaad sa Batas Republika Blg. 6981 o batas para sa pagbibigay ng “witness protection.”

Mc Vincent Mirabuna/Balita