Pabor ang award-winning actor na si John Arcilla ang panukalang-batas na inihahain ni Sen. Bam Aquino sa Senado.
Makikitang nagkomento si Arcilla noong Sabado, Setyembre 13, sa isang post ni Sen. Bam, gamit ang kaniyang Facebook account, na pabor umano siya sa naisin ng mambabatas na isulong ang “Blockchain the Budget Bill.”
“Yes to this,” anang award-winning actor, na siyang sinagot naman ni Sen. Bam ng isang pasasalamat.“Maraming salamat, John Arcilla,” ani Sen. Bam.
Mababasa sa Facebook post ni Sen. Bam Aquino ang dahilan kung bakit nais niyang maipasa ang panukalang-batas.
“Bantayan ang Bawat Piso. Pass Blockchain the Budget Bill now! Dahil kapag tama ang paggamit ng digitalization, makakatulong ito sa mas mabilis, malinaw, at mas tapat na pamamahala,” aniya.
“Kaya inihain natin ang SBN 1330 o Blockchain the Budget Bill. Isang panukalang batas na layong gawing mas transparent at accessible ang pambansang budget, at tiyakin ang pananagutan sa bawat paggastos ng pera ng taumbayan gamit ang blockchain technology,” dagdag pa niya.
Inilahad niya rin na sa tulong nito, walang tago, walang lusot, at bawat piso’t proyekto ay mababantayan at maiintindihan ng bawat Pilipino.
Umani naman ng samu’t saring reaksiyon mula sa netizens ang naging komento ng aktor sa nasabing post ng mambabatas.
“Heneral Luna Approved!”
“John Arcilla, yes na yes. Go for the next president, Sen. Bam”
“Maraming salamat Kapatid!”
“John Arcilla aprubado agad ni heneral Luna”
Kamakailan, makikitang ibinahagi rin ng aktor ang isang separate post ni Sen. Bam, na tumutukoy din sa naturang panukala.
“Sa blockchain kapag naupload na ang budget para sa isang proyekto at sino ang mag-rereceive ng budget at assign sa project pwedeng MA-TRACE ng public at hindi na pwede baguhin pa. Walang LUSOT ang MANDADAYA. Malinaw ang transparency. Ang opisyal na hindi papayag dito at AYAW nito ay gustong MANGUPIT. READ, support and share. Para masugpo ang corruption sa ating bansa,” aniya.
Matatandaang kamakailan lamang ay nagbigay ang aktor ng kaniyang sentimyento ukol sa mga botanteng sumuporta sa mga opisyal na korap.
MAKI-BALITA: John Arcilla sa mga ayaw umaming bumoto ng korap: 'Mananatiling ganyan ang buhay natin'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA