Nagbigay ng babala si Senate President Tito Sotto kaugnay sa mga Facebook page na nagpapalaganap ng pekeng balita.
Sa latest Facebook post ni Sotto nitong Linggo, Setyembre 14, ibinahagi niya ang ulat ng isang media network tungkol sa pag-alma ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson sa isang pekeng “news” page.
Batay sa kumakalat na post ng Facebook page na "OneTV Philippines,” mababasang naka-secure umano ng sapat na boto si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano para mapalitan sa Senate Presidency ang kaluluklok lamang na si Senate President Tito Sotto III, noong Setyembre 8.
Maki-Balita: 'Peke, intended to deceive and confuse!' 'Another rigodon' sa Senado, pinalagan ni Sen. Lacson
Kaya sabi ni Sotto, “Mag ingat tayo sa mga pekeng ‘news’ page na nagkakalat ng mga balitang nakakadagdag pa sa kaguluhan na pinagdadaanan ng ating bansa ngayon.”
Matatandaang pinalitan ni Sotto si Senador Chiz Escudero bilang SP sa kasagsagan ng pangalawang hearing ng Senate Blue Ribbon Committee sa maanomalyang flood control projects.
Samantala, si Lacson naman ang pumalit kay Jinggoy Estrada bilang Senate President Pro Tempore.