Inanunsyo ng transport group na PISTON na nakatakda silang magsagawa ng malawakang tigil-pasada laban sa Huwebes, Setyembre 18, 2025.
Kinumpirma ng PISTON ang kanilang tigil-pasada nitong Linggo, Setyembre 14, kung saan layunin umano nilang makiisa sa pangangalampag laban sa korapsyon na nauugnay sa maanomalyang flood control projects.
Ayon sa mga ulat, tinatayang nasa ₱12,000 ang binabayarang buwanang buwis ng mga tsuper kaya't oras na raw upang makiisa sila sa pangangalampag sa gobyerno hinggil sa paglulustay ng kaban ng bayan.
Nakatakdang magsimula ang tigil-pasada sa Huwebes sa ganap na 5:00 ng umaga.
Samantala, kaugnay pa rin ng mga demonstrasyon, matatandaang nilinaw ng Palasyo na mataas ang pag-respeto ng Pangulo sa freedom of expression.
“First of all, the President will always respect this freedom of expression. So kung ano man po ang nararamdaman na sentimyento ng ating mga kababayan sa ngayon, 'yan po ay iginagalang ng Pangulo,” ani Castro.
Samantala, nilinaw din ni Castro na huwag daw sanang samantalahin ng ilang indibidwal ang mga protesta upang mag-destabilize ng pamahalaan.
“At ang dasal lamang po natin itong kanilang pagsesentimyento ay 'wag sanang sakyan ng ibang mga tao na hindi maganda ang naisin para sa gobyerno, kundi mag-destabilize,” saad ni Castro.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, iginagalang mga kabi-kabilang kilos-protesta—Palasyo