December 14, 2025

Home BALITA Metro

Mga batang edad 10 pababa, pinakaapektado sa higit 7,000 kaso ng dengue sa QC

Mga batang edad 10 pababa, pinakaapektado sa higit 7,000 kaso ng dengue sa QC
Photo courtesy: Unsplash, QCESD (FB)

Pumalo na sa 7,686 ang bilang ng kaso ng dengue sa Quezon City mula Enero 1 hanggang Setyembre 9, kung saan, mga batang edad 10, pababa ang pinakaapektado.

Ayon sa Facebook post ng QC Epidemiology & Surveillance Division (QCESD) kamakailan, naitalang 126.53 porsyento ang iniakyat ng kaso ng dengue sa lungsod ng QC kumpara noong Enero 1 hanggang Agosto 31 noong taong 2024. 

Sa higit pitong libong bilang ng kaso, 3,783 ang bilang ng mga batang nagka-dengue na nasa edad 10 pababa, at 23 naman ang naitalang nasawi dahil sa nasabing sakit. 

Kung kaya nama’y nagbigay ng abiso ang QCESD para maiwasan ang mga posibleng panggalingan ng dengue: 

Metro

Misis, sinaksak ng mister sa leeg

1. Pagtatanggal ng naimbak na tubig sa timba, plorera, gulong, bote, at alulod na nagsisilbing pangitlugan ng lamok. 

2.  Pagsusuot ng damit na may mahahabang manggas at pagpahid ng mosquito repellent mula alas-6 hanggang alas-8 ng umaga, at alas-4 hanggang alas-6 ng hapon, dahil ito ang mga oras na pinaka-aktibo ang mga lamok. 

3. Pagkain ng masusustansyang pagkain tulad ng prutas at gulay, at pag-inom ng maraming tubig para mapalakas ang resistensya. 

Ayon naman sa United Nations Children's Fund (UNICEF), ilan sa mga sintomas ng dengue sa mga bata ay ang biglang pagkakaroon ng lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit ng mata at kasu-kasuan, pagsusuka, at skin rashes. 

Ang mga bata rin na may dengue ay mas iritable, kung kaya’t apektado ang kanilang pagkain at pagtulog. 

Kung kaya’t abiso ng QC LGU (local government unit) na agarang ipakonsulta sa pinakamalapit na health center o ospital kapag nakaramdam na ng sintomas ang anak o sarili kung makitaan ng alinman sa sintomas para agarang mabigyan ng atensyong medikal. 

Sean Antonio/BALITA