Interesado ang abogado at dating senatorial candidate na si Atty. Jimmy Bondoc sa umano'y posibleng pagbabago ng liderato ng Senado sa susunod na linggo.
Sa panayam ng isang news program kay Bondoc, noong Biyernes, Setyembre 12, 2025, iginiit niyang interesado raw siya sa posibilidad na magkaroon muli ng rigodon ang liderato ng Senado kung saan posibleng maihalal na Senate President si Minority Leader Alan Peter Cayetano.
“I’m curious if there will be a shakeup of the leadership sa Senate, kung totoo yung ugong tungkol kay Sen. Alan Cayetano," ani Bondoc.
Natanong din si Bondoc sa kaniyang palagay sa posibleng pagbabago rin ng liderato ng Kamara matapos maugnay si House Speaker Martin Romualdez sa isyu ng maanomalyang flood control projects.
“I have less hope for that. Palagay ko, mas posible sa Senate," saad ni Bondoc.
Samantala, kaugnay ng pag-ugong ng banta ng pagbabago muli sa liderato ng Senado, nilinaw ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na wala umanong katotohanan ang umuugong na nasabing balita.
"Peke. Intended to deceive and confuse. Underestimating the intelligence of the new Senate majority bloc, nagba-baka sakaling may tumalon at magpirma. Malevolent, underhanded, foul and desperate. Kung may song na 'Achy Breaky Hearts', eto naman - 'Faky Breaky News,'" ani Lacson.
KAUGNAY NA BALITA: 'Peke, intended to deceive and confuse!' 'Another rigodon' sa Senado, pinalagan ni Sen. Lacson
Matatandaang noong Lunes lamang, Setyembre 8 nang mapalitan ang liderato sa Senado kung saan nailuklok si Senate Presidente Vicente “Tito” Sotto III kapalit ni Sen. Chiz Escudero.
Si Sen. Joel Villanueva, na dating Senate Majority Leader, ay pinalitan ni Sen. Migz Zubiri. Ang una naman ay naging Senate Deputy Minority Leader. Deputy Majority Leaders naman sina Sen. Risa Hontiveros at Sen. JV Ejercito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Veteran bloc' dinomina liderato ng Senado; Sotto, Lacson, Zubiri, pumosisyon!