Hindi na napigilan ng Kapamilya star at "It's Showtime" TV host na si Kim Chiu na almahan ang mga bashing na natatanggap niya kaugnay sa maling pagkakabigkas niya sa pangalan ng Pinoy rock band na "IV of Spades."
Pinalagan kasi ng mga netizen ang maling pagkakasabi ni Kim sa pangalan ng banda, matapos niyang pasalamatan ito sa naging pagtatanghal sa noontime show ng "Aura" noong Setyembre 10.
Sa halip na "IV of Spades" ay "Ivy of Spades" ang nasabi ni Kim.
Sa katunayan, isa ito sa hot topics sa X nitong Linggo, Setyembre 14.
Ibinahagi ng isang alter account sa X na "Sarcastic Risen" ang isang video clip ng pagkakamali ni Kim.
Bagay na nakarating naman sa kaalaman ni Kim at pinalagan. Dito ay inamin niya ang "honest mistake" at sinabing hindi niya talaga kilala ang banda.
Iniugnay naman ito ni Kimmy sa nangyayaring isyu pagdating sa isyu ng korapsyon sa buwis ng bayan at iba pang kinahaharap na problema ng Pilipinas.
"Let me just clear this out. Bilang mahilig ata tong acct na to sa “clout”. Honest mistake, diko talaga sila kilala. Kung naitama ko yung pangalan nila. May magbabago ba? Mababalik ba satin yung ninakaw na TAX natin? I think there is much more problem in PH now than this..."
Photo courtesy: Screenshot from Kim Chiu/X
Dagdag pa ni Kim, "This will be the last time I answer this. Right now, there are far bigger problems in our country and even in our own lives than nitpicking on small things like this. Ako nga, my surname is often misspelled as CHUI instead of CHIU pero never ko naman pinapalaki or ginagawang issue. Ang hirap sa iba, instead of lifting each other up, we pull one another down. Crab mentality."
"Kya wlng pinagbago ang Pilipinas. Sana, mas piliin na lang natin magtulungan para sa ikauunlad ng lahat.."
"Mas kailangan ng bansa natn ang boses mo doon,sa tunay na laban,sa tunay na problema, sa tunay na kalaban. Pare pareho tayong lumaban sa buhay ng patas. Be considerate. Be kind," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Kim Chiu/X
Noong Hulyo 16, 2025, ikinatuwa ng fans ang paglalabas nila ng bagong single na pinamagatang “Aura” na hudyat ng kanilang pagbabalik matapos ang limang taong showbiz hiatus.
Sumikat ang IV of Spades noong 2018 sa kanilang awiting “Mundo” na umabot na sa mahigit 100 million views sa YouTube. Hindi nagtagal, umalis ang lead vocalist na si Unique Salonga upang ituloy ang kaniyang solo career.
Nagpatuloy sina Blaster Silonga, Zild Benitez, at Badjao de Castro bilang isang trio at naglabas ng kanilang tanging studio album na ClapClapClap noong 2019.
Matapos ilabas ang kanilang ikapitong single na “Ang Pinagmulan,” inanunsyo ng grupo ang kanilang pansamantalang pamamahinga noong 2020.
KAUGNAY NA BALITA: Pasabog comeback! IV of Spades, nanggulat sa 'Aura' nila