Sinaklolohan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 1,400 na mga survivor ng human trafficking sa unang kalahati ng taon, na nakalinya sa implementasyon ng Recovery and Reintegration Program for Trafficked Persons (RRPTP) ng kagawaran, na inilunsad noong 2022.
“The Department of Social Welfare and Development (DSWD) continues its vigilant implementation of the Recovery and Reintegration Program for Trafficked Persons (RRPTP), helping more than 1,400 victim-survivors recover from their ordeal in the first half of 2025 alone,” ani DSWD.
“Launched in 2022, the RRPTP addresses the effects of human trafficking, a heinous crime victimizing vulnerable Filipinos,” dagdag pa nila.
Ibinahagi naman ni Director Alfrey Gulla ng Protective Services Bureau (PSB), sa kaniyang pakikipanayam sa “Serbisyong DSWD for Every Juan” ng DZMM Radyo Patrol 630 noong Sabado, Setyembre 13, na mandato ng DSWD ang magkaroon ng programang katulad ng RRPTP.
“Ang DSWD ay kasama sa tinatawag na Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT). By virtue of Republic Act 11860 or the Expanded Anti-Trafficking Act of 2022, minandato ng batas ang DSWD para magkaroon ng programa, kaya ipinanganak ang RRPTP," ani Gulla.
Inilahad niya ring ang RRTPT ay isang komprehensibong programa na naglalayong tulungan ang mga biktima, katuwang ang social workers at iba pa.
“It’s a comprehensive program, I say comprehensive because ito ay ginagamitan ng case management approach. Gusto ko lang po i-highlight yung proseso, from rescue to recovery to reintegration because that’s how the program works,” aniya.
“During rescue, nandiyan ang ating social workers, they assess the needs ng ating mga kliyente, we call them victim-survivors, ‘yon po ang term natin sa kanila. And then during sa rescue, nandiyan na ang ating social workers nagbibigay ng psychosocial interventions, meron pang ibang services, like nagbibigay ng hot meals, hygiene kits, mga sabon, malong, mga ganyan,” dagdag pa niya.
Kasama rin dito umano ang psycho-social, medical, legal, transportation, livelihood, maging educational assistance, kung kailangan ng victim-survivor.
Ibinunyag din ng kagawaran na mula 2022 hanggang 2024, mahigit-kumulang 6,044 victim-survivors na ang natulungan ng RRPTP.
Pinaalalahanan din ni Gulla na huwag matakot magsumbong kung mayroon man umanong napapansing kaso na may kinalaman sa trafficking.
“Huwag po tayong matakot magsumbong kung meron tayong naobserbahan or nadinig na reports ng trafficking. Mayroon tayong hotline, yung 1343 hotline, they can dial that, puwede tayo mag-receive ng call at doon tayo mag-umpisa,” aniya.
Inilahad din ng DSWD na katuwang nila ang Department of Justice (DOJ) bilang co-chair ng IACAT, kasama na rin ang Local Government Units (LGU) na may malaking gampanin umano sa pagpigil, pag-rescue, at pagproseso ng mga trafficking concerns ng mga victim-survivors, lalo na kung nasa “domestic level” ito.
Vincent Gutierrez/BALITA