Kinilala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang unang “major success story” ng Unified 911 System mula nang ilunsad ito kamakailan sa bansa.
Sa press briefing ni Remulla sa Camp Crame noong Biyernes, Setyembre 12, ibinahagi niyang Setyembre 2 nang ma-kidnap ang 78-anyos na negosyante mula sa Quezon City, kung saan, ang mga suspek ay nag-demand ng halagang ₱150 milyon sa pamilya nito bilang ransom.
Setyembre 11 nang dalhin ng mga suspek ang biktima sa isang bangko sa Quezon City para mag-withdraw ng pera, dito ay napag-alaman na ng Philippine National Police - Anti Kidnapping Group (PNP - AKG) ang sitwasyon dahil sa tawag ng bank operator.
Binanggit niya ring 11 suspek ang naaresto sa kidnapping incident, kung saan, 3 sa mga ito ang dating miyembro ng Philippine Marines, 2 sa kanila ay discharged, habang ang 1 ay dismissed.
Ang nasabing negosyante ay isang parte ng industrial manufacturing at kasalukuyang nakabalik na sa pamilya at binibigyan na ng counseling matapos ang insidente.
“It shows that the entire ecosystem of law enforcement [works]. It occurred while we were in the 911, It was called in, and then within minutes, nag-respond agad. So the 911 system works, natawag agad, at dinispatch kaagad yung pag huli,” kaniyang pagkilala sa mabilis na koordinasyon at pagresponde sa loob ng 911 system.
“I'd like to congratulate the PNP and the AKG for their fine work. I'd also congratulate the 911 system for having its first victory,” dagdag niya pa.
Dahil dito, hinikayat pa ni Remulla ang publiko na gamitin ang unified 911 system sa pagtawag ng emergency.
“Mula Tawi-tawi hanggang Jolo, pwede ho kayong tumawag. Isang numero na lang, maaabot po ang mga first responders natin,” panghihikayat niya.
Ang mabisa at mabilis na pagresponde nito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pagbutihin ang kaligtasan ng publiko at modernisasyon ng mga sistema sa gobyerno.
Sa kaugnay na balita, ang Unified 911 ay unang inilunsad noong Huwebes, Setyembre 11, kung saan, ang serbisyo nito’y libre at bukas 24/7, at ang target response ay 5 minuto.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Help is on the way:’ Unified 911 hotline, ikakasa na sa Setyembre 11
Sean Antonio/BALITA