December 13, 2025

Home FEATURES Usapang Negosyo

Dating teacher, yumaman at sumikat sa pagbebenta ng silvanas

Dating teacher, yumaman at sumikat sa pagbebenta ng silvanas
DTI Philippines (YT screenshot), Biba Cakes & Pastries (FB)

Ibinahagi ng dating Physics teacher ang mga pagsubok at pagbangon sa likod ng kaniyang ngayo’y mega-milyonaryong silvanas business. 

Sa panayam kay Charish Tanawan sa DTI Asenso Pilipino, ibinahagi niya na simula bata pa lamang ay hilig na niya ang pagbe-bake dala ng impluwensiya ng kaniyang ina. 

“Noong bata ako, hindi ko alam anong gusto ko sa college. Tapos something happened, instead na doon ako sa UP (University of the Philippines) mag-school, because of financial [problems], naghanap na lang ako ng CHED (Commission on Higher Education)  scholarship,” pagbabahagi niya.  

Magmula nito, siya ay naging physics teacher sa loob ng 16 na taon. 

Usapang Negosyo

'Ayaw manahin ng mga anak,' Chocolate Lover Inc., magsasara na matapos ang higit 3 dekada

Ibinahagi rin niya na kasabay ng pagtatrabaho bilang guro,  muli siya nag-bake noong hinikayat siya ng asawa na gumawa ng cake para sa 1st birthday ng kanilang panganay.

‘Yung asawa ko kasi entrepreneurial ‘yung utak niya. So sabi niya, ‘magaling ka mag-bake,’ ganyan. [So] gumawa kami ng cake for 1st birthday ng anak namin,” aniya. 

Ngunit taong 2010, nang ma-diagnose ang kanilang pangalawang anak ng congenital heart disease, kinailangan nila makapag-ipon ng ₱1.5 milyon hanggang ₱2 milyon bilang pangtustos sa pagpapagamot at pagpapaopera. 

“‘Yung kita namin, tinatabi namin. Tapos pag may bonus kami, tinatabi din namin. So, ang target namin is to have at least 5 cakes, cupcakes, and cookies, customized every week. Maximum na namin ‘yung 10 kasi hindi na namin kaya since we still have a job,” saad niya. 

Kasama ang asawa, naging matagumpay ang kanilang homemade cake business, na kumita ng mahigit-kumulang ₱1.5 milyon para sa gamutan ng anak.

Mula rito, nakitaan nila ng potensyal ang pagnenegosyo bilang pagmumulan ng kita, kung kaya nama’y nag-early retirement mula sa pagtuturo si Charish para matuon ang kaniyang atensyon sa kanilang baking business. 

Sa panibagong yugto nilang ito, nabuksan din nilang mag-asawa ang kanilang unang baking supplies na tindahan kasabay ng kanilang cake business. 

Kalauna’y naisipan din ni Charish na gumawa ng silvanas, na makokonsiderang nilang “unique” na produkto, na bagama’t hindi raw niya inaasahan, ay lubos na sumikat at nakatulong sa kanilang makapagpundar ng resort at solar panel cleaning services. 

Sa unang 6 na buwan pa lamang ng kaniyang silvanas brand na “Biba Cakes & Pastries,” kumita na ito ng  11,000 na kahon, na nagkakahalaga ng mahigit-kumulang ₱1 milyon. 

Dahil sa mga napagdaanang ito, ayon kay Charish, naging malaking tulong ang pagnenegosyo hindi lamang para makapagpundar ng mga kagamitan at mapalawig pa ang kanilang negosyo, ngunit nakatulong din para maisalba rin ang mga gastusin sa pangangailangang medikal ng anak at makapagbigay pa ng trabaho sa iba pang mga Pinoy. 

Nang tanungin kung ano ang kaniyang maibabahagi sa mga kapwa negosyante o sa mga nais pa lamang pumasok sa pagnenegosyo, nagbahagi si Charish ng ilang mahahalagang tips, at isa na rito ang pagkakaroon ng integridad. 

“We are in food business, wala talagang nakakakita sa’yo. Kasi kung makakakita sila [customers] ng dumi doon or something, masisira ka talaga,” aniya. 

“Tapos stay grounded. Kapag kumikita ka ng malaki parang feeling mo 

Ang yaman-yaman mo na. Pero you always [think], ‘ah hindi pa.’ Stay grounded talaga,” aniya pa. 

“And then lastly, teamwork. Don’t micromanage, work with them [mga empleyado]. You just have to lead your team,” dagdag pa niya. 

Sean Antonio/BALITA