Idiniin ni dating senadora at kasalukuyang Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima na dapat na umanong maipakulong ang mga “tiwaling” lalong nagpapalubog sa bansa sa katiwalian at kahirapan.
Ibinahagi ni De Lima sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Setyembre 13, na dapat ay magkaroon ng resulta ang imbestigasyon, wala umanong mapagtakpan, at hindi dapat mabaon na lang sa limot ang mga nangyayari ngayon.
“Para sa hustisya at kapakanan ng mga kababayan nating patuloy na ninanakawan ng perang kanilang pinaghirapan at pinagkakaitan ng magandang serbisyo, dapat magkaroon ng resulta ang imbestigasyong ito,” ani De Lima.
“Hindi dapat mabaon na naman sa limot, walang dapat mapagtakpan, at dapat maipakulong ang mga tiwaling lalong nagpapalubog sa ating bansa sa katiwalian at kahirapan,” dagdag pa niya.
Kasabay nito, tinatanggap naman niya ang appointment ni dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Rogelio “Babes” Singson bilang isa sa mga miyembro ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
“We welcome the appointment of former Secretary Rogelio “Babes” Singson as one of the members of the Independent Commission for Infrastructure (ICI),” anang mambabatas.
“With his clean track record, credibility, and efficient leadership as former DPWH chief, we are confident that he will make significant contributions to the investigation of anomalous flood control and other government infrastructure projects,” dagdag pa nito.
Aniya pa, nasuyod ni dating Sec. Singson ang mga pasikot-sikot ng DPWH, kung kaya’t naipatupad ang mga reporma at transpormasyong ninanais nito para sa ahensya.
“During his term, he was able to curb corruption in the agency through his 5 R’s formula—“Right Projects, at the Right Cost and Right Quality and accomplished Right on Time, with the Right People. Nasuyod na nya ang mga pasikot-sikot noon sa DPWH, at sa ilalim ng kanyang liderato, naipatupad ang kongkretong mga reporma at transpormasyon ng ahensya,” aniya.
Inihayag din ni De Lima na “crucial step” umano ang pagkakaroon ng “impartial investigation” o isang pag-usisang malaya mula sa isyu ng conflict of interest upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan.
“An impartial investigation—one that is free from any issues of conflict of interest and credibility—is a crucial step in ensuring accountability and restoring the trust of the Filipino people in government. To reiterate: as much as we appreciate the creation of this ICI through Executive Order (EO) No. 94, this is just a good preliminary step,” aniya.
“Mas maaabot ang layunin nating matukoy ang katotohanan sa lahat ng kababalaghan at kalokohan sa mga proyekto ng gobyerno, at mapanagot ang dapat na mapanagot kung maisasabatas ang panukala nating House Bill No. 4453 na lilikha ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) na mas may ngipin at may mas malawak na kapangyarihan sa pag-iimbestiga at pagpapakulong sa mapapatunayang nagkasala,” dagdag pa niya.
Inanunsyo ng Palasyo nitong Sabado, Setyembre 13, ang appointment ni Sec. Singson, kasama si SGV Country Managing Partner Rossana Fajardo bilang mga miyembro ng ICI, na siyang iimbestiga sa isyu ng flood control projects — habang si Baguio City Mayor Benjamin Magalong naman ang magsisilbing special adviser at investigator ng nasabing komisyon.
KAUGNAY NA BALITA: Romualdez sa pagtatag ng independent body na mag-imbestiga ng flood control scam: 'Managot dapat managot!'-Balita
Matatandaang nakibahagi si Rep. De Lima sa ilang pagdinig ukol sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
KAUGNAY NA BALITA: De Lima sa maanomalyang flood control projects: 'Sobra-sobra na ang kawalanghiyaan!'-Balita
KAUGNAY NA BALITA: De Lima sa mga sangkot sa flood-control projects: 'Mas makakapal pa ang mukha sa semento!'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA