Mamimigay ang award-winning author na si Norman Wilwayco ng digital copy ng kaniyang mga libro para sa lahat ng dadalo sa malawakang kilos-protesta na ikakasa sa Luneta sa darating na Setyembre 21.
Lalahukan ito ng mga estudyante, lider-kabataan, manunulat, guro, religious communities, artista, civil society groups, at iba pang grupo upang ipakita ang pagtutol sa talamak na korupsiyon.
Sa latest Facebook post ni Wilwayco nitong Linggo, Setyembre 14, inilatag niya ang mga detalye kung paano makakakuha ng libreng libro ang mga dadalo sa Luneta.
“Sa lahat ng sasama sa September 21 Rally sa Luneta, take a selfie at the rally, post the pic on your wall, tag me and your peeps, send me your email address, you will get all my works in your email,” saad sa text caption na makikita sa larawang ibinahagi ni Wilwayco.
Limang libro ang matatanggap ng sinomang makakapunta sa kilos-protesta at may kasama pang isang kopya ng kaniyang maikling kuwento na hindi pa nailalathala.
Si Wilwayco ang may-akda ng mga librong “Mondomanila,” “Responde,” “Rekta,” “Gerilya,” at “Migrantik” na pawang transgresibo.
Nakatanggap siya ng parangal mula sa mga prestihiyosong patimpalak tulad ng Carlos Palanca Memorial Award at Gawad Ka Amado V. Hernandez.