Para sa mga Pinoy, ang mga lolo at lola ay integral na parte ng pamilya, kung saan, sila ang tumatayong “unofficial fairy godparents” na nagbubuhos ng regalo, merienda, at pocket money sa mga apo.
Dahil sa kanilang mga karanasang nasubok na ng panahon, sila rin ang nagsisilbing historian, guro, mentor, pati na rin ang “partner in crime” ng kanilang mga apo dahil sa kanilang lubos na pagmamahal dito.
Kung kaya naman para sa karamihan, ang mga lolo at lola ay mayroong espesyal na lugar sa kanilang mga puso, kadalasan pa nga’y para sa ilan, dahil sila ay isang “certified lolo/lola’s favorite,” mas ginugusto pa nilang sumama sa lolo at lola dahil sa mga kuwento, regalo, at oras na hindi mapapantayan ng kahit na ano.
Ang itinatanging relasyong ito’y pinahahalagahan hindi lamang sa loob ng pamilya kung hindi maging sa lipunan, kung kaya nama’y sa SB (Senate Bill) No. 2371 o ang “National Grandparents’ Day Act,” inilalaan ang ikalawang linggo ng Setyembre bilang “Grandparents’ Day” sa bansa.
Mayroon ding mga programa ang gobyerno para masiguradong mapangangalagaan ang kapakanan ng mga lolo at lola.
Ito ang ilan sa mga nasabing programa:
Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC)
Alinsunod sa Republic Act (RA) No. 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, ang SPISC ay naglalayong magbigay tulong sa mga matatanda sa pamamagitan ng month pension na ₱1,000.
Ito ay para matugunan ang pinansyal na pangangailangan ng senior citizens sa kanilang medical treatments at para maprotektahan sila mula sa pagkagutom, pagpapabaya, at abuso.
Ang probisyong ito ay para sa mga senior citizens na nasa edad 60 pataas na may sakit o karamdaman, mga walang permanenteng pinagkakakitaan at suporta mula sa pamilya, at walang pensyon na natatanggap mula sa gobyerno o iba pang insurance company.
Expanded Centenarians Act
Alinsunod sa RA 11982, ang Expanded Centenarians Act ay nagbibigay ng cash gifts sa senior citizens na naninirahan sa loob at labas ng bansa sa layong mabigyang pagkilala at suporta ang mga may edad nang mamamayang Pilipino.
Kasama rito ang iba’t ibang probisyon depende sa edad, kung saan ang mga nasa edad 80, 85, 90, at 95 anyos ay makakatanggap ng ₱10,000, at ₱100,000 naman para sa mga 100 anyos kasama ang congratulatory letter mula sa Pangulo.
Ayon sa National Commission of Senior Citizens (NCSC), ang mga recipient ay inaabisuhang kuhanin ang kanilang cash gift sa loob ng isang taon ng pag-abot sa mga nasabing edad.
Para sa mga nais mag-avail ng probisyong ito, ang senior citizens nasa nasa bansa ay inaabisuhang mag-rehistro sa kanilang pinakamalapit na Municipal Social Welfare and Development (MSWD) office.
Para naman sa mga nasa ibang bansa, mangyari lamang na bumisita sa Commission on Filipinos Overseas (CFO) website o sa pinakamalapit na Philippine Foreign Service Post para sa application guidelines.
Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth)
Ang PhilHealth ay binibigyan ng automatic membership ang senior citizens na nasa edad 60 pataas, kung saan dito ay nagbibigay ng mga insentibo ang ahensya sa kanilang inpatient at outpatient treatments.
Kasama rin dito ang TSeKaP (Tamang Serbisyo Para sa Kalusugan Ng Pamilya) Benefits na nagsisilbing preventive checkup para masigurado ang malusog na pangangatawan.
Ang ilan sa mga serbisyo sa ilalim ng TSeKaP ay regular na pagkuha ng Blood Pressure (BP, smoking cessation counseling, digital rectal examinations, at lifestyle modification counseling.
Mayroon ding medical examinations tulad ng chest x-ray, urinalysis, fasting blood sugar, at fecalysis.
Kabilang din sa benepisyo ng PhilHealth para sa senior citizens ay ang DOTS (Directly Observed Treatment Short-Course), para sa mga nangangailangan ng mga anti-retroviral treatment para sa HIV/AIDS - related na mga sakit o kondisyon.
Home Care Support Services for Senior Citizens (HCSSSC)
Ang HCSSSC ay isang community-based program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naglalayong magbigay ng dekalidad na serbisyo para sa mga senior citizens na mayroong sakit, mahina, at bedridden na sa kanilang mga tahanan.
Kasama sa programang ito, ang pagkakaroon ng home care volunteers na magbibigay ng suporta at tulong sa pamamagitan ng pagpapaligo, pagbibihis, pagpapakain, at pagpapainom ng gamot sa senior citizens sa kanilang tahanan.
Reporting System and Prevention Program for Elder Abuse Cases (ReSPPEC)
Ang ReSPPEC ay isa ring community-based program ng DSWD na naglalayong protektahan ang senior citizens sa mga pang-aabuso sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga local reporting mechanism na magiging sumbungan ng mga elder abuse case.
Kasama rin sa programang ito ay ang support groups at rehabilitation para sa mga nang-aabuso sa layong mabago ang kanilang ugali at mas mapagtibay ang relasyon sa mga pamilya.
Sean Antonio/BALITA