Mariing pinabulaanan ni Sen. Bong Go ang sinabi noon ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na pabor siya umano noon pirmahan ang Senate Leadership coup resolution.
Ayon sa pahayag na ibinahagi ni Go noong Biyernes, Setyembre 12 sa Facebook, nais niyang linawin sa publiko na wala siyang sinabi kay Sotto na may intensyon siyang sumama sa mga senador na susuporta sa pagkudeta nila sa liderato noon ni Sen. Chiz Escudero.
Bagama't aminadong tinawagan niya si Sotto, paglilinaw niya, noong nagkausap daw sila noon ni Sotto ay tapos na umano ang botohan sa Senado at nahalal na si Sotto bilang bagong senate president kapalit ni dating Sen. Escudero.
“Nais kong klaruhin sa lahat na wala akong sinabing gusto kong sumama sa kanila. Sa oras na nagkausap kami, tapos na ang laban, sapat na ang boto, at naihalal na siya bilang bagong SP,” saad ni Go.
Paliwanag ni Go, hindi rin daw umano sila kinausap ng kabilang panig upang hingiin ang suporta nila noon kaugnay sa “change in leadership” sa Senado.
Dagdag pa niya, “[h]indi rin naman nila kami kinausap prior to the change in leadership upang hingin ang aming suporta kaya walang punto o katotohanan na ninais kong pumirma in favor sa kanila[...]” anang Go.
Matatandaang inihayag ni Sotto sa panayam sa kaniya ng ANC Digital noong Martes, Setyembre 9, na tinawagan umano siya ni Go upang magpahayag ng interes na pumirma sa pagpapabago umano ng liderato ng Senado.
Ayon kay Sotto noon, hindi na umano lumapit ang mga kaalyado niya sa Senado sa PDP Laban Senators na kinabibilangan ni Go.
“Hindi na. As a matter of fact, last night[...], Bong Go called me and he said, ‘if you asked me to sign [it], I would have signed it’[...]” pagbabahagi ni Sotto.
Samantala, nauna nang sabihin ni Go sa mensahe niya na “solid” na miyembro pa rin siya ng PDP Senators at naninindigan umano sa kaniyang desisyon.
“Bilang isang miyembro ng Duterte bloc, kabilang kaming mga solid na PDP Senators, naninindigan ako sa aming desisyon, prinsipyo at mga ipinaglalaban kung kaya’t magkakasama pa din kami ngayon sa minority bloc ng Senado[...]” ayon kay Go.
Ani ni Go, “[p]agkatapos na pormal na maihalal si Sen. Tito Sotto na Senate President, nagbigay-galang ako sa kanya at sa ilang mga kasamahan niya sa Majority bloc upang ipahiwatig ang aking willingness to cooperate and work with them bilang kapwa senador kahit na may pagkakaiba kami sa opinyon sa iilang mga bagay.”
Sa pagpapatuloy pa ni Go, mananatiling hindi mawawala ang pagtutok niya sa para sa kalusugan ng mga Pilipino.
Hindi rin umano magbabago ang prinsipyo at paninindigan ni Go lalo na umano sa pagdataing sa mga bagay na kaniyang natutunan kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Gayunpaman, anuman ang mangyari sa mundo ng pulitika, hindi magbabago ang prinsipyo at paninindigan ko lalo na ang mga natutunan ko kay Tatay Digong[...],” pagtatapos ni Go.
Wala pa namang inilalabas na pahayag si Sotto kaugnay sa naging mensaheng ito ni Go sa publiko.
Mc Vincent Mirabuna/Balita