Nilinaw ng Palasyo ang tindig umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., hinggil sa malawakang mga kilos-protestang ikinakasa sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Sa press briefing ni Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Claire Castro nitong Sabado, Setyembre 13, 2025, iginiit niyang suportado raw ng Pangulo ang pagpapahayag ng taumbayan ng kani-kanilang mga sentimyento.
“First of all, the President will always respect this freedom of expression. So kung ano man po ang nararamdaman na sentimyento ng ating mga kababayan sa ngayon, 'yan po ay iginagalang ng Pangulo,” ani Castro.
Samantala, nilinaw din ni Castro na huwag daw sanang samantalahin ng ilang indibidwal ang mga protesta upang mag-destabilize ng pamahalaan.
“At ang dasal lamang po natin itong kanilang pagsesentimyento ay 'wag sanang sakyan ng ibang mga tao na hindi maganda ang naisin para sa gobyerno, kundi mag-destabilize,” saad ni Castro.
Dagdag pa niya, “So 'yan din po ay sinusuportahan din po ng Pangulo, ang hinaing ng taong bayan dahil ito naman po ay laban sa korapsyon.”
Matatandaang nagkasa ng magkakasunod na kilos-protesta sa iba’t ibang parte ng bansa, partikular na sa Metro Manila, matapos pumutok ang isyu ng anomalya at korapsyon sa flood control projects.
KAUGNAY NA BALITA: 'Pumalag!' Mga Discaya, kakasuhan organizer ng kilos-protestang sumugod sa St. Gerrard
Kaugnay nito, nauna nang inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na patuloy silang nagpapatupad ng maximum tolerance kasunod ng kabi-kabilang demonstrasyon.
Habang sa hiwalay na pahayag naman ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief Jose Melencio Nartatez, Jr., na nakahanda ang hanay ng kapulisan upang ikasa ang security plans kung sakaling mauwi sa marahas na kilos-protesta ang mga demonstrasyon kagaya ng nangyari umano sa Indonesia at Nepal.
“We have readied our security plans for dispersal, crowd management, and security. Mayroon na tayong security plans that have been set,” saad ni Nartatez.
KAUGNAY NA BALITA: PNP, ready na raw kung sakaling matulad ang Pinas sa protesta sa Nepal, Indonesia