December 13, 2025

Home BALITA National

'Nandito tayong lahat dahil diring-diri na tayo!' Sigaw ni Atty. Renee Co at ibang grupo ng kabataan sa EDSA

<b>'Nandito tayong lahat dahil diring-diri na tayo!' Sigaw ni Atty. Renee Co at ibang grupo ng kabataan sa EDSA</b>
Photo courtesy: Renee Co (IG)

Isa sa ipinaglalaban ni Kabataan party-list representative Rep. Renee Co na sawa na umano siya at ang mga kasama niyang kabataan sa laganap na korupsiyong nangyayari sa gobyerno. 

Ito ang dahilan ng naging pagtitipon ng iba’t ibang progresibong grupo ng mga kabataan upang magmartsa mula EDSA Shrine hanggang EDSA Monument sa Quezon City nitong Sabado, Setyembre 13, 2025. 

Ayon sa naging speech ni Rep. Renee Co, sinabi niyang nandidiri na umano sila sa mga katiwaliang nagaganap sa bansa dahil sa mga kurap umanong politiko mula noon hanggang sa kasalukuyan. 

“Nandito tayong lahat dahil diring diri na tayo. Dahil sikmura na natin ‘yong kumakalam araw-araw pero hanggang ngayon, ano ba ang reaksyon ng mga pulitiko? Karamihan sa kanila, business as usual. Wala lang,” panawagan ni Co. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Sa pagpapatuloy ni Co, hinamon niya ang mga kabataang kasama niya sa protesta na huwag umanong kalimutan ang galit na nararamdaman nila para sa mga likod ng hirap na nararanasan ng mamamayang Pilipino. 

“Kaya naman, ang ating hamon sa kabataan, ang ating galit natin [ay] huwag hayaang mawala. Panghawakan natin alalahanin natin ang gutom na nararamdaman natin dahil wala na tayong hawak na pera.

“Alalahanin natin ang baha na ating nilusob at wala tayong magawa kung hindi i-risk ang mga sakit, ang mamatay sa leptospirosis, at ito na nga ang nangyari sa ilan nating mga kaibigan. 

“Huwag nating hayaan na ang galit natin ay mabuhusan ng malamig na tubig. Dahil kung araw-araw lang tayong lumalabas, doon lang tayo makakakita ng tunay na pagbabago,” anang representante ng Kabataan party-list. 

Nagawang tukuyin ni Co si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., habang pinasaringan niya ang mga senador, kongresista at mga miyembro sa ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Doon lang tayo makakakita ng takot sa mata ni Marcos Jr. at sa lahat ng mga senador, kongresista, at DPWH na patuloy na iniisip na kaya naman itong mapakalma, pero hindi kalma ang kabataan. Hindi kalma ang pag-asa ng bayan na sa harap-harapan ay ninanakaw ang kinabukasan natin,” pagtatapos ni Co. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita