Dead on arrival ang isang 48 taong gulang na lalaki sa San Miguel, Iloilo matapos magtamo ng 21 saksak sa iba't ibang parte ng katawan.
Ayon sa mga ulat, mismong ang boyfriend umano ng kaniyang stepdaughter ang hinihinalang suspek sa pagpatay sa biktima.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na nakuhanan pa raw sa CCTV ang pagtakbo ng suspek sa isang bukid palayo sa bahay ng biktima kung saan siya natagpuang patay.
Hinala ng mga awtoridad, ang hindi pagsuporta ng biktima sa relasyon ng suspek at kaniyang stepdaughter ang motibo sa nasabing krimen. Sinasabing hindi raw kasi boto ang biktima sa suspek na live-in partner na ng kaniyang stepdaughter.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kung saan hanggang ngayon ay hindi pa raw natatagpuan ang ginamit na kutsilyo sa krimen.
Kasalukuyan na ang pagtugis ng pulisya sa nagtatagong suspek.