Pinatawan ng Department of Transportation (DOTr) ng 90 araw na suspensyon ang kamakailang nag-viral na driver dahil paa ang ginamit nito sa pagmamanibela.
Ayon sa Facebook page ng DOTr, nakasaad sa Show-Cause Order ng Land Transportation Office (LTO) na pinapatawag na ang registered owner ng sasakyan at driver nito sa Lunes, Setyembre 15, habang ang sasakyan ay inilagay na rin sa alarma.
“Paulit-ulit na utos ng Pangulo sa Department of Transportation (DOTr) na panagutin ang mga reckless driver para hindi malagay sa panganib ang mga road user,” saad sa nasabing post.
Binanggit din ni Acting Transportation Sec. Giovanni Lopez na patuloy ang DOTr sa panghuhuli ng mga iresponsableng driver para masigurado ang pangkalahatang kaligtasan sa mga kalsada.
Ang nasabing post ay nag-viral sa Tiktok dahil sa driver na makikitang nagmamaneobra ng manibela gamit ang kaniyang kaliwang paa, kasama rin ang pasaherong kumukuha ng video, na nakalabas din ang kaniyang paa sa bintana ng sasakyan.
Sean Antonio/BALITA