Inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program nitong Sabado, Setyembre 13.
Layon ng programang ito na pagtibayin ang pundasyon ng mga mag-aaral sa pagkatuto at bigyang-solusyon ang learning gaps sa mga eskwelahan.
“Layunin natin sa ARAL na hindi lamang tiyakin na makakahabol ang ating mga mag-aaral na nahuhuli sa klase—we are also committed to building stronger foundational skills, because Key Stage 1 is the most critical stage in every child’s development,” saad ni DepEd Sec. Sonny Angara.
“Kaya’t lubos ang pasasalamat natin sa ating mahal na Pangulo na tiniyak na maisasabatas ang programang ito,” dagdag pa niya.
Ang inisyatibong ito ay alinsunod sa Republic Act (RA) No. 12028 na nilagdaan ni PBBM noong Oktubre 2024, kung saan, binibigyang tutorial support ang mga mag-aaral sa Kindergarten hanggang Grade 10 sa mga asignaturang Reading, Mathematics, at Science.
Ang ARAL Program ay simultaneous na inilunsad sa iba’t ibang parte ng bansa, kung saan ito ay pinangunahan ng mga miyembro ng Executive Committee (ExeCom) ng DepEd mula sa iba-ibang rehiyon.
Sean Antonio/BALITA