Nilinaw ni House Speaker Chief Communication Officer Ace Barbers na walang balak magsampa ng kaso kahit kanino si House Speaker Martin Romualdez, sa kabila ng kinahaharap niyang isyu ng korapsyon sa flood control projects.
Sa panayam ng Balitanghali kay Barbers nitong Biyernes, Setyembre 12, 2025, bagama’t hindi pa raw kinokonsidera magsampa ng kaso ni Romualdez, iginiit niyang nirerespeto raw nila ang ilang miyembro ng Kamara na nais magsampa ng reklamo laban sa mga Discaya.
“I don't think that [filing charges] is being considered right now, although we respect the other members of the House who said they will file charges against the Discaya couple who linked them to the flood control mess without presenting evidence,” saad ni Barbers.
Saad pa ni Barbers pawang sabi-sabi lang daw ang alegasyon ng mga Discaya at maging si Curlee Discaya raw na nagpangalan kay Romualdez ay aminadong walang naging transaksyon sa House Speaker.
“Up to now, the allegations are hearsay. Mr. Discaya himself said he did not have a direct transaction with the Speaker,” saad ni Barbers.
Matatandaang isa si Romualdez sa mga mambabatas na pinangalanan ng mga Discaya na tumatanggap umano ng porsyento sa pondo ng mga kontrata sa maanomalyang flood control projects.
“Karamihan sa mga kawani ng DPWH na nabanggit sa itaas ay paulit-ulit na binabanggit ang delivery ng pera ay para kay Zaldy Co, na dapat ay at least 25%,” ani Curlee Discaya sa pagdinig sa Senado noong Lunes, Setyembre 8.
Saad pa niya, “Si Cong. Marvin Rillo naman ay ilang beses binabanggit ang pangalan ni Speaker Martin Romualdez bilang kaniyang malalapit na kaibigan.”
KAUGNAY NA BALITA: Ilang DPWH offcials, pumuporsyento sa mga Discaya para umano kina Romualdez at Co