Mariing itinanggi ng senador na si Sen. Robin Padilla ang haka-hakang “naka-middle finger” umano siya sa gitna ng pagkanta ng pambansang awit ng Pilipinas sa loob ng Senado.
Ayon sa Facebook live na isinagawa ni Padilla noong Huwebes, Setyembre 11, 2025, tinukoy niya ang usapin tungkol sa kumalat na video mula sa isang news outlet na nagpapakita umano ng maling alegasyon sa pagkanta niya ng Lupang Hinirang.
Aniya, nais niyang sabihin sa publiko na banal umano para sa relihiyon ng mga Muslim ang kanilang hintuturo sapagkat tumutungkol ito sa “LA İLAHA ILALAH.”
“Gusto ko lang po na iparating sa inyong lahat na ito po [hintuturo] ay banal sa aming mga muslim. Sapagkat ang ibig sabihin po nito ay LA İLAHA ILALAH. Ibig sabihin, walang ibang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah,” saad ni Padilla.
Iginiit niyang hindi niya umano maaaring gawing kabastusan ang parteng hintuturo ng kanilang mga daliri at magpapakamatay na lang umano siya kung gagawin niya ang bagay na iyon.
“Hindi po naming puwedeng gawin, na gawing kabastusan po ito. Magpapakamatay na lang po ako kung gagawin ko ‘yon,” anang senador.
Humiling naman si Padilla na huwag raw umanong gawing kalokohan ang mahalagang simbolo sa pananampalataya nilang mga Muslim.
“Hinihingi ko po na huwag muna sana natin itong gawing kalokohan. Dahil ito po ang pundasyon ng lahat ng pananampalataya ng mga Muslim,” ‘ika ni Padilla.
Sa pagpapatuloy ng senador, nilinaw niyang nakalagay umano ang hintuturo niya sa kaniyang dibdib habang kumakanta ng pambansang awit upang ipakita ang pagmamahal umano niya sa bansa.
“Ibig pong sabihin nito, na [kapag] nilagay namin dito [sa dibdib], Diyos ang una. Panginoong Allah ang una sa ating lahat. Kaya po ‘pag kumakanta po ng Lupang Hinirang, kaya po ‘yan nakalagay dito [sa dibdib], tunay na mahal namin ang bansang Pilipinas. Tunay po ‘yan. Pero una ang panginoong Allah[...]” paglilinaw ni Padilla.
Sa kalagitnaan ng FB live ni Padilla, hindi niya napigilang maging emosyunal sa pagsasabing huwag na umanong idamay ang relihiyon niya sapagkat mahalagang bagay iyon para sa kanilang pananampalataya.
Samantala, humingi naman ng paumanhin si Padilla sa mamamayan at para sa mga taong mabilis na naniwala sa “fake news” umano na kumalat noong gabi ng Huwebes mula sa isang news outlet.
“‘Yon lang po ang masasabi ko. Assalamualaikum[...] Humihingi po ako ng [paumanhin at] sa mga kababayan natin na nailigaw nitong fake news na ito. Fake news article na ito. Salamat po sa inyong lahat,” pagtatapos ng senador.
Mc Vincent Mirabuna/Balita