December 20, 2025

Home BALITA

PBBM, maagang ipinagdiwang kaniyang ika-68 kaarawan sa ‘Salo-Salo sa Palasyo’

PBBM, maagang ipinagdiwang kaniyang ika-68 kaarawan sa ‘Salo-Salo sa Palasyo’
Photo courtesy: Bongbong Marcos (IG), PCO (FB)


Maagang ipinagdiwang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kaniyang ika-68 na kaarawan sa ginanap na “Salo-Salo sa Palasyo” sa Kalayaan grounds ngayong Biyernes, Setyembre 12.

Ang salo-salong ito ay isinagawa bilang bahagi ng selebrasyon ng kaarawan ni PBBM sa Sabado, Setyembre 13, na isa ring tradisyon ng Pangulo na igunita ang kaniyang kaarawan kasama ang sambayanang Pilipino.

Dinaluhan ni Pangulong Marcos Jr. ang nasabing salo-salo, kasama si First Lady Liza Araneta Marcos, kung saan namataan silang lulan ng isang “golf cart.”

Kasabay ng selebrasyon ay ang pagbibigay ng libreng pagkain, mga pagtatanghal tulad ng magic shows, at iba pa.

Binuksan ang Palasyo para sa mga nasa Metro Manila na nais makibahagi sa nasabing pagdiriwang, gayundin sa mga kababayan ng Pangulo na nasa Ilocos Region.

Matatandaang noong Huwebes, Setyembre 11, ginunita rin ang ika-108 kaarawan ng ama ni PBBM na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., kung saan pinangunahan ng Pangulo ang isang komemorasyon na ginanap sa Batac City, Ilocos Norte.

KAUGNAY NA BALITA: Pamilya Marcos, isa-isang bumati para sa ika-108 kaarawan ni 'Apo Lakay'-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA