Naging emosyonal ang singer-songwriter na si Ice Seguerra matapos dalawin ang puntod ng kaniyang namapayang ama at ina.
Ibinahagi ni Ice Seguerra sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Setyembre 12, na hindi pa rin umano siya makapaniwala na wala na ang kaniyang mga magulang.
“Ang weird pa rin na wala kayo mamaya. Parang hindi pa rin totoo. Hindi pa rin ako makapaniwala. Honestly, natatakot ako sa mararamdaman ko kapag tumingin ako sa audience at hindi ko kayo makikita,” ani Ice.
Hiniling din ng mang-aawit na patuloy siyang samahan ng mga ito, at tulungan siyang magkaroon ng lakas ng loob.
“Sana samahan niyo pa rin ako, kagaya nang parati niyong ginagawa. Tulungan niyo ako magkaroon nang lakas ng loob,” anang mang-aawit.
“At gaya nang parating sinasabi mo sa akin, mama, ‘galingan mo, bata!’, I will give my 100 percent kasi gusto ko lagi kayong proud sa akin. I love you, Mama and Daddy. I miss you so much,” dagdag pa niya.
Matatandaang pumanaw ang ama ni Ice na si Decoroso Seguerra noong Nobyembre 15, 2020 at ang kaniyang ina namang si Caridad Yamson-Seguerra o “Mommy Caring” noong Hunyo 27, 2025.
Vincent Gutierrez/BALITA