Inilunsad ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kamakailan ang bagong digital welfare monitoring system para sa Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ang “Kumusta Kabayan” app ay magbibigay sa mga OFW ng direct line sa DMW sa layong makapagbigay-tugon sa mga hinaing at pangangailangan ng mga ito.
"Ang Kumusta Kabayan App ay magkatuwang na binuo ng DMW at OWWA para sa direktang pagsubaybay sa kalagayan ng ating mga OFWs,” ayon kay DMW Sec. Hans Leo J. Cacdac.
“Higit sa lahat, gusto nating maipadama sa bawat OFW ang kanilang kahalagahan bilang Bagong Bayani ng ating bansa dahil tayo mismo ang direktang tatawag sa kanila upang mangamusta, at seguraduhin ang agarang tulong sa kanilang pangangailanagan,” dagdag pa niya.
Ayon sa Facebook page ng OWWA, ang Kumusta Kabayan App ay konektado sa DMW-OWWA electronic system at database ng OFW registration at membership, case management, at welfare reporting.
Ang ilan sa features na kasama sa app na ito ay ang komprehensibong listahan ng DMW at OWWA hotlines, kasama ang 1348 emergency number na bukas ang linya 24/7 para sa mga OFW, at ang mga hotline para sa Migrant Workers Offices at DMW Regional Offices.
Sa pamamagitan din ng app na ito, ang mga OFW ay mas mabilis nang makakahingi ng tulong mula sa DMW AKSYON Fund, na nago-offer ng mga serbisyo sa repatriation, legal, pinansyal, ar reintegration assistance.
Ang inisyatibong ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pangalagaan ang mga OFW, sa pamamagitan ng pagtitiyak na sila ay nasa maayos na kondisyon.
Sean Antonio/BALITA