Ipinagpaliban ng House appropriations panel nitong Biyernes, Setyembre 12, 2025 ang nakatakdang pagtalakay sa panukalang ₱889 milyon na pondo ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2026.Ayon sa mga ulat, napagpasyahan ito ng Kamara matapos hindi payagan ang ahensya na magpadala ng kinatawan na mas mababa ang posisyon sa undersecretary.
Ayon pa kay Palawan Representative Jose Alvarez, vice chairman ng House appropriations panel, nakabatay ang desisyon sa umiiral na praktis sa Kamara na ang isang undersecretary o pinuno ng ahensya ang dapat humarap upang ipagtanggol ang kanilang panukalang badyet.
“Knowing that [they could not send an Undersecretary or the head of agency] and consistent with the tradition of the House na dapat head of agency or the very least Undersecretary ang pumunta rito to defend the budget of the agency...ako na mismo ang nag-advise sa kanila kaninang umaga na huwag na kayong pumunta rito,” ani Alvarez.
Napag-alaman na ang OVP ay nagpadala ng liham sa appropriations panel nitong Biyernes ng umaga na nagtalaga ng tauhan upang depensahan ang panukalang badyet, na nilagdaan ni Director for Administrative and Financial Services Lemuel Ortonio.
Gayunman, sinabi ni Alvarez na tiniyak sa kaniya ni Vice President Sara Duterte na personal siyang dadalo sa deliberasyon ng badyet sa Martes, Setyembre 16.
“I have the assurance of the VP na she will attend by next week. So kung meron silang hearing sa Senado sa Lunes, Martes ang napili nila. Ganoon po ang istorya,” anang mambabatas.