Nakipagtulungan ang City Government of Davao sa dalawang fast food chains upang mas mapalawig ang oportunidad ng mga senior citizen at persons with disability (PWD) na makapagtrabaho.
Ibinahagi ng City Government of Davao sa kanilang Facebook post nitong Biyernes, Setyembre 12, na lumagda sila ng Memorandum of Agreement (MOA) upang pormal na mabigyang-trabaho ang senior citizens at PWDs sa naturang fast food chains.
Anila, ang inisyatibong ito ay sumusuporta sa implementasyon ng Senior Citizens Job Opportunity Ordinance ng lungsod, na pinangunahan ng konsehal na si Diosdado Mahipus Jr.
Inilahad din nilang ang unang agreement ay mula sa Golden Arches Development Corporation, na siyang franchisee ng McDonalds sa bansa. Nilagdaan umano nila noong Martes, Setyembre 9 ang MOA, at nangako itong magbubukas ng humigit-kumulang 110 job openings para sa mga senior citizen.
Ang ikalawa naman ay ang agreement sa pagitan ng city government at Jollibee Group, na kanilang pinirmahan noong Huwebes, Setyembre 11. Nangako naman ito ng 87 job openings para sa mga senior citizen at PWD.
Ayon kay Acting Davao City Mayor Sebastian Duterte na ang mga partnership na ito ay lulutas sa kagustuhan ng ilang senior citizens na makapagtrabaho pa sa kabila ng kanilang edad.
“Every time pag pumupunta ako ng mga barangay…kadalasan diyan may mga senior citizen na lumalapit. Usually either may problema ‘yan sa health or may iba kasing mga senior na gusto pang magtrabaho,” ani Duterte.
"May mga nakakasalubong tayo na mga senior citizens, ako mostly marami talaga na kung may chance lang daw sila na magtrabaho, magtatrabaho talaga sila,” dagdag pa niya.
Inabot naman niya ang kaniyang pasasalamat sa dalawang fast food chains dahil sa interes nitong bigyan ng pagkakataon ang mga senior citizens at PWD ng kanilang lungsod na makapagtrabaho.
“Dako kaayo ni siya nga butang g’yud para sa atoang mga senior citizen and PWD because the government’s job is to take care of our citizens, especially the marginalized sector… it’s a big help (This is a big deal and a big help to our senior citizens and PWDs because it is the government’s job to take care of our citizens, especially the marginalized sector),” aniya.
Nilinaw naman ng Head of the Office of Senior Citizen Affairs (OSCA) na si Lorenzo Borja na ang programa ay para sa mga senior citizens na gusto at kaya pang magtrabaho. Prayoridad din daw ang mga senior citizens at PWD na walang pinagkukuhaan ng kita.
Umaasa naman si Mayor Duterte na mas marami pang kompanya ang maging tulad ng Golden Arches at Jollibee Group na interesadong magbigay ng “equal employment opportunities” para sa mga Dabawenyos.
Vincent Gutierrez/BALITA