“Mental health problems are really a disease or disorder.”
Ang mental health ay isang mahalagang bahagi ng ating pangkabuuang kalusugan dahil ito ang sistema ng pangangatawan na nakapagbibigay abilidad sa atin na makapag-isip, makaramdam, at mabuhay bilang epektibong miyembro ito ng komunidad na kinabibilangan.
Gayunpaman, ayon sa journal na “Mental Health Awareness And Generation Gap” na nakalathala sa National Library of Medicine (NIH), ang mental health ay isang usapin na kinokonsiderang “taboo” o hindi katanggap-tanggap sa mga nagdaang henerasyon.
Ang pag-iisip na ito ay nag-uugat sa iba pang problema dahil sa kakulangan ng propesyonal na atensyon at paglingap, ayon din sa nasabing journal.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Dra. Shiela Marie Manjares, isang Psychologist at Assistant Professor sa Centro Escolar University (CEU), nagbahagi siya patungkol sa mental health.
“Regarding mental health in general, hindi siya spiritual or moral failing,” pagbabahagi ni Manjares nang tanungin kung ano ang isa sa mga mental health “stigma” na nais pagtuunan ng pansin.
“Hindi siya ‘yong parang kulang sa dasal or kulang lang sa pag-attend sa churches. We don’t condone naman ‘yong pagiging religious or spiritual, kasi it’s part of us. But it doesn’t mean na ‘yong isang tao’y nagkakaroon ng mental health problem just because kulang siya sa religious work or activity,” aniya.
Ipinaliwanag din ni Manjares na ang pagkakaroon ng problema sa mental health ay isang sakit o kondisyon na nangangailangan ng medikal na atensyon at validation.
Para sa mga indibidwal naman na hindi nakararanas ng problema sa kanilang mental health, aniya mahalaga pa rin ang magpakonsulta sa isang propesyunal bilang bahagi ng physical check-up.
“Hindi naman porke nagpa-check ay baliw na agad. ‘Yong mga ganon klaseng stigma at tsaka myth ang dapat i-address when it comes to mental health in the Philippine setting,” pagpapaliwanag niya.
Base rin sa kaniyang obserbasyon, kumpara sa mga nagdaang henerasyon, mas napag-uusapan at nabibigyang-pansin na ang mental health sa kasalukuyan.
“It can be my observation from millennial generation up to this generation, medyo mas aware na sa mental health talk. Kasi before parang taboo, tago talaga siya. So, puwedeng may mental health condition ang mga tao pero natatakot sila to be checked because of the stigma na sasabihin, ‘arte lang ‘yan,’ or ‘parang ‘yon lang mararamdaman mo na,’” aniya.
“Invalidation kasi ‘yong dating generation. They want to be strong in a way na unhealthy na. Ngayon, since marami na rin namang policies and laws nakakatulong ‘yon para mas mapag-usapan at mas maging grounded na ‘yong pag-uusap sa mental health,” dagdag pa niya.
Ang umano’y “generation gap” ay unti-unti nang nabibigyan ng tulay hindi lamang para mapag-usapan, kung hindi para na rin makapagbigay-tulong sa mga kapamilya at kaibigan na kumakaharap sa mga problema sa mental health.
Bilang pag-suporta, nag-abiso si Manjares na mahalagang maging “aware” at “present” para sa isang kaibigan o kapamilya.
“The first thing is we have to be very aware when it comes to the early signs of mental health conditions, tulad ng behavioral observation, ‘yong sudden change of mood, ‘yong irritability. It’s our way to address ano ‘yong nararamdaman nila,” saad niya.
Ipinaliwanag dito niya na mahalaga ring i-check ang pisikal na kondisyon dahil nakaaapekto rin daw ito sa mood ng isang tao, at kung wala naman dinaramdam, maigi na pagtuunang pansin ang mental health.
“We have to make open conversations for them, lalo na kung mabigat na, don natin sila tutulungan to refer sa mental health professional lalo na kung hindi natin kaya. Pero kung kailangan lang nila ng kausap or parang makakaintindi sa kanila, make ourselves available for them,” aniya.
“Hindi naman nila kailangan minsan ‘yong advise. They just need someone to listen na walang judgment, na naiintindihan sila kahit na tumatango lang tayo. So, what they need is just listening ears din para alam nila na hindi sila nag-iisa in case man na nakakaramdam sila ng internal struggles,” dagdag pa niya,
Sa panayam din na ito, binigyang-pansin din ni Manjares ang “suicide,” at kung paano bibigyang emosyonal at mental na suporta ang kapamilya o kaanak na nakikitaan ng “warning signs” nito.
“If someone says that they want to do suicide or they attempt, parang seeking attention ‘yong dating sa iba. Although. there would be, it would be, pero it’s not because it’s more on help-seeking behavior nila ‘yon,” paliwanag niya.
“Sometimes they tend to joke about it pero half-meant ‘yong mga ganon. So, that’s their way to communicate what they are really experiencing inside,” dagdag niya.
Habang nakababahala kung pakikignan ang mga suicide remarks mula sa isang kaanak o kaibigan, binanggit din ni Manjares na bilang suporta, mahalaga na bigyan ng seryosong atensyon ang mga “suicide remarks” o “suicide jokes” dahil isa rin itong paraan ng mga indibidwal na nagkakaroon ng problema sa kanilang mental health para gumawa ng koneksyon sa ibang tao.
Sa kaugnay na balita, mayroon ding mga batas at programa ang gobyerno na nakatuon para sa mental health katulad ng Republic Act (RA) No. 11036 o ang Mental Health Act at ang RA No. 12080 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.
Sa ilalim ng mga batas na ito, kinikilala ng gobyerno na ang dekalidad at abot-kaya mental health care ay karapatan ng bawat Pilipino, at sa pamamagitan nito, malaki na ang naging progreso ng bansa sa pagtalakay at pagbibigay-solusyon sa mga isyung pangkalusugan.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Paano bibigyang importansya ang mental health?
Sean Antonio/BALITA