Sinabi ni bagong Senate President Tito Sotto III na pinag-aaralan pa umano nila kung sino ang itatalaga nilang susunod na Chairperson ng Senate Ethics Committee and Privileges.
Ayon sa naging panayam ni SP Sotto sa One Ph noong Miyerkules, Setyembre 10, 2025, sinabi niyang kasalukuyan pa rin ngayong bakante ang upuan para sa susunod na chairperson ng nasabing komite.
Aniya, pinag-aaralan pa umano nila kung sino ang pinakababagay na kasunod na mamumuno sa komite ng Ethics at Privileges sa Senado.
“Bakante pa, e. Syempre, pag-aaralan nating mabuti kung sino ang pinakang bagay do’n,” saad ni Sotto.
Sa kabilang banda, ibinahagi rin ni SP Sotto na mayroon siya ngayong napupusuang senador na sa tingin niya ay bagay para sa posisyon.
“At sa ngayon kung ako ang tatanungin ay ang kandidato ko ay si Sen. Pangilinan. Medyo, gitnang gitna ‘yon. Neutral na neutral ‘yon[...]” pagtutukoy ni Sotto.
Sa pagpapatuloy pa ni Sotto, nilinaw niyang kailangan nilang maging maingat umano sa pagtatalaga ng mga senador na mamumuno sa iba’t ibang partikular na mga komite sa Senado.
“Mabuti na rin ‘yon. Ako as Senate President, bagong upo ako, although I’ve been here for four (4) and a half years [before] I’ve been very cautious even before lalo na sa paggastos ng pera ng taumbayan,” anang Sotto.
Isa rin sa binigay na halimbawa ni Sotto sa pagiging maingat ang pangyayari sa pagtanggi niya sa pagpapasa ng affidavit ng mag-asawang sina Curlee at Sarah Discaya upang maging state witness sa pagdinig ng Senado kaugnay sa maanomalyang flood-control projects.
“Pati sa mga aksyong [halimbawa] ganito, magre-recommend ka ng state witness. ‘Ika nga’y pipilitin mong ilagay ‘yong isang contemnor sa isang lugar. Nag-iingat muna ako. Caution muna. Kasi paano ko itutulak na ‘yong Discaya ay gawing state witness nang may mga sabit?
“O katulad n’yan. ‘Yong kanilang kompanya na St. Gerrard? ‘Yon ang number one contractor noong 2016 hanggang 2022,” paglilinaw ni Sotto.
Ayon pa kay Sotto, huwag muna umanong magalit agad ang mga kapuwa niya senador, partikular si Sen. Rodante Marcoleta, na kamakailang nakasagutan niyan sa loob ng Senado.
“Huwag silang magalit sa akin dahil ayaw kong i-endorse kaagad. Sabi pa [nga] ni Boying [Sec. Remulla] ‘di puwede. Isuli niyo muna mga ninakaw n’yo,’” ‘pagtatapos ni Sotto.
Kaugnay ng naging panayam ni Sotto ang paglilinaw sa pagpapasa ng mga Discaya ng affidavit upang mapasailalim sila sa Witness Protection Program ng Department of Justice (DOJ) ngunit hindi muna ito pinayagan ni Remulla at Sotto.
Samantala, ang Senate Ethics Committee and Privileges ang nangangasiwa lahat ng mga bagay na may kinalaman sa karapatan, pribilehiyo, integridad, at reputasyon ng Senado at mga miyembro nito.
Mc Vincent Mirabuna/Balita