Magkakaloob ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng libreng sakay para sa mga miyembro at volunteers ng local organizing committee ng FIVB Volleyball Men’s World Championship.
Magsisimula ito ngayong Biyernes, Setyembre 12, hanggang Setyembre 28, Linggo.
Sa anunsiyo ng MRT-3 sa kanilang social media account, epektibo ang libreng sakay sa buong oras ng operasyon ng kanilang linya.
Kinakailangan lamang umano ng mga ito na magpakita ng balidong FIVB accreditation pass upang ma-avail ang libreng sakay.
“Epektibo ito sa buong oras ng operasyon ng MRT-3. Kinakailangan lamang magpakita ng valid FIVB accreditation pass ng mga miyembro at volunteers ng FIVB team,” anang MRT-3.
Nabatid na ang Libreng Sakay ay tugon ng MRT-3 sa kahilingan ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) at suporta sa ating mga atleta at sa Pilipinas bilang host ng World Championship ngayong taon.