Tuwing Setyembre 11 taon-taon, inaalala ng maraming tao mula sa iba’t ibang bansa ang isa sa tinaguriang pinakamadugong trahedya ng terorismo sa kasaysayan.
Mahigit 24 taon na ang nakalilipas mula noong Setyembre 11. 2001, nang mang-hijack ng mga eroplano at magsagawa ng suicide attack ang 19 mga teroristang may kaugnayan sa Islamic extremist group na al-Qaeda laban sa bansang Amerika.
Bukod sa Twin Tower ng World Trade Center sa New York City, may iba pang lugar din sa Amerika ang inatake ng nasabing grupo sa parehong araw ng Setyembre 11, 2001.
Partikular sa Pentagon Military Headquarters sa Virginia City, USA, at Pennsylvania.
Tinatayang 2,750 ang bilang ng mga taong nasawi nang intensyonal na isalpok ng mga terorista ang dalawang eroplano sa Twin Tower ng World Trade Center sa NYC.
Habang 184 naman ang nasawi sa Pentagon Military Headquarter at 40 sa Pennsylvania kung saan umano bumagsak ang isang eroplano nang tinangkang agawin pabalik ng mga sibilyang sakay nito ang kontrol mula sa mga terorista ng al-Qaeda.
Umabot din sa 400 ang bilang ng mga nasawi mula sa ahensya ng pulisya at firefighters na dagliang rumesponde trahedyang naganap sa Twin Tower sa NYC.
Habang nakumpirma naman sa mga ulat noon na namatay sa matagumpay na suicide attack nila ang 19 na bilang ng mga terorista.
Ngunit sa kabila ng pinakamadugo at madilim na trahedyang ito na naranasan ng USA sa pag-atake ng grupong al-Qaeda, sino nga ba ang mga tao sa likod ng naging pag-atakeng ito at ano ang dahilan nila?
Si Osama bin Laden ang siyang kinilalang lider ng militant Islamic organization na al-Qaeda at nasa likod ng madugong pag-atakeng nangyari noong Setyembre 11, 2001.
Ayon umano kay Abu Walid al-Masri, dating nakasama ni Bin Laden sa bansang Afghanistan noong 1980s at 1990s, sinabi niyang noon pa man may paniniwala na si Bin Laden na mahina umano ang bansang America.
“He believed that the United States was much weaker than some of those around him thought[...]
“As evidence he referred to what happened to the United States in Beirut when the bombing of the Marines base led them to flee from Lebanon,” ayon ito noon kay al-Masri.
Tinukoy ng naging pahayag ni al-Masri ang mga nangyari noong pambobomba sa Beirut barracks noong 1983 kung saan tinatayang 241 na American servicemen ang nasawi; pagtakas ng pwersa ng mga Amerikano sa Mogadishu, Somalia noong 1993 kung saan 18 bilang ng U.S servicemen ang nasawi; at ang naging pag-uwi ng mga sundalong Amerikano sa Vietnam noong 1970s.
Dahil umano sa mga pangyayaring ito sa pwersa ng mga Amerikano, nabuo ang konsepto ni Bin Laden sa kaniyang paniniwala na mahina at “paper tiger” ang hukbong sandatahan ng Amerika.
Ngunit bukod kay Bin Laden, isa pa sa mga naging may pangunahing papel upang maging magtagumpay ang pag-atake ng al-Qaeda ay sa tulong ng nagngangalang Khalid Sheikh Mohammed.
Ayon sa ulat ng 9/11 Commission Report noon, lumaki si Khalid Mohammed sa bansang Kuwait at noon pa mang kabataan nito ay aktibo na siya sa Muslim Brotherhood. Nagkolehiyo si Mohammed sa Amerika at nagtapos ng degree sa North Carolina Agricultural and Technical State University noong 1986. Kalaunan, pumunta si Mohammed sa bansang Pakistan at Afghanistan upang makiisa sa jihad ng mga muslim laban sa Soviet Union na nanakupan noong pang 1979 sa mga nasabing bansa.
Sinasabing si Mohammed ang naglatag ng plano sa grupong al-Qaeda para umatake noong Setyembre 11, 2001. Ayon sa naging panayam noon ng isang mamamahayag sa Al Jazeera kay Mohammed, sinabi niyang matagal na umano niyang pangarap noon na bombahin ang mga lugar sa Amerika. Sa katunayan umano, sinubukan na niya ito noong 1990s ngunit nabigo siya. Ngunit sa tulong ni Bin Laden, doon niya naisakatuparan ang pangarap umano niyang atakihin ang Amerika.
Pagkatapos ng humigit-kumulang isang dekada noong Mayo 1, 2011, inanunsyo ng dating pangulo noon ng USA na si Barack Obama na matagumpay na nasawi si Osama bin Laden nang magsagawa ng Operation Neptune Spear ang mga American soldiers sa hideout ni Bin Laden sa Abbottabad, Pakistan.
Ngunit hindi pa rin dito magtatapos ang pighati ng mga Amerikano at iba pang mga taong nakasaksi sa trahedya.
Taon-taon, tuwing sasapit ang Setyembre 11, patuloy na inaalala ng maraming tao ang trahedyang binansagang “9/11 attack” na siyang isa sa maituturing na pinakamadugong terorismo sa mundo.
KAUGNAY NA BALITA: 9/11: Ang pinakamadilim na pag-atake sa kasaysayan ng Amerika
Mc Vincent Mirabuna/Balita