Ginunita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kaarawan ng ama at dating Pangulo Ferdinand E. Marcos Sr., nitong Huwebes, Setyembre 11, sa Daytoy ti Bannawag Monument sa Batac City.
“Whenever we commemorate the life of Ferdinand E. Marcos, what we always can see and what is always spoken of is the great legacy that he has left us. It is a legacy of service. It is a legacy of sacrifice,” saad niya sa kaniyang talumpati.
Sa nasabing komemorasyon, kasama ni PBBM si dating First Lady Imelda Marcos.
Noong araw din na iyon, nagpahayag ng kanilang pagbati sa social media ang iba pang mga anak ni Marcos Sr. na sina Sen. Imee Marcos at ang bunsong anak na si Irene Marcos Araneta.
Kasama rin sa mga bumati ay ang mga apo na sina Ilocos Norte Vice Governor Matthew Marcos Manotoc at Ilocos Norte First District Representative Sandro Marcos.
Nagpahatid din ng pagbati ang pamangkin na si Keon Michael Marcos.
KAUGNAY NA BALITA: Pamilya Marcos, isa-isang bumati para sa ika-108 kaarawan ni 'Apo Lakay'
Kaugnay nito, alamin ang naging legasiya ni dating Pangulong Marcos Sr.:
Si dating Pangulong Marcos Sr., ay namuno sa bansa sa loob ng dalawang dekada, kung saan ayon sa ilan, siya umano’y isang “diktador” at “human rights violator,” dahil sa mga umano’y torture at pagpatay sa libo-libong Pilipino noong Martial Law na kaniyang pinirmahan noong Setyembre 21, 1972.
Ang mga taong ito ay tinaguriang bilang “darkest chapters” dahil na rin sa umano’y “civilian control” na ginawa ng dating Pangulo sa umano’y tahasang paggamit ng kapangyarihan ng militar.
Gayunpaman, ayon sa ilan, si Marcos Sr., ay isang malakas at charismatic na lider dahil umano’y prinotektahan nito ang bansa mula sa mga komunista at mga pagtataas ng langis mula 1973 hanggang 1980.
Sa mga taon ding ito, nagkaroon ng mga imprastrakturang proyekto ang kaniyang administrasyon tulad ng Maharlika Highway na nagkokonekta sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Kasama rin din dito ang North Luzon Expressway (NLEX), South Luzon Expressway (SLEX), San Juanico Bridge, at Mactan-Mandaue Bridge.
Ang mga ospital tulad ng National Kidney and Transplant Institute at Lung Center of the Philippines ay naitalang naipatayo sa ilalim ng administrasyong ito.
Gayundin ang mga pamantasang Don Mariano Marcos Memorial State University, Bicol University, at Cagayan State University.
Sa pagpapalawig pa ng kulturang Pinoy, naipatayo rin sa administrasyong ito ang Philippine International Convention Center (PICC), Cultural Center of the Philippines (CCP), at Nayong Pilipino and People's Park in the Sky sa Tagaytay.
Taong 1966, kasama ang mga lider ng mga bansang Indonesia, Malaysia, Thailand, at Singapore, naitalang pinangunahan ni Marcos Sr. ang inisyatibong Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na ngayo’y mayroon nang 10 bansa bilang miyembro.
Taong 1975, pinirmahan ng dating pangulo at Presidential Decree No. 633 o ang National Commission on the Role of Filipino Women (NCRFW) na naglalayong isali ang kababaihan sa economic, social, at cultural development ng bansa.
Kasama rin sa mga naitalang legasiya niya ay ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na dating National Manpower and Youth Council noong 1976.
Pebrero 25, 1986 nang opisyal na natapos ang administrasyong Marcos Sr, kung saan dito ay nagkaroon ng People Power Revolution.
Doon din ay ipinadala ang dating Pangulo at ang kaniyang pamilya sa Hawaii, USA hanggang sa siya’y mamatay noong Setyembre 28, 1989.
Sean Antonio/BALITA