May sey ang komedyante at Unkabogable Star na si Vice Ganda kaugnay umano sa korapsyon na umiiral sa bansa at pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Sa segment ng It’s Showtime na “Laro Laro Pick” nitong Huwebes, Setyembre 11, nakapanayam ni Vice Ganda at iba pang host ang contestant na si Ronron.
Nakuwento ng 21-anyos na si Ronron na pumasok na umano sa siya sa iba’t ibang uri ng trabaho kahit noong nasa murang edad pa lamang siya hanggang ngayon.
Hindi napigilang magbahagi ng pakikisimpatya ni Vice para sa mga katulad ni Ronron na disiplinado umano sa buhay.
Saad ni Vice, ang mga katulad ni Ronron na simple at mararangal na tao ang ninanakawan ng umano’y mga korap sa gobyerno.
“Ito ‘yong mga taong ninanakawan natin. Ang korapsyon ay hindi lamang pagnanakaw ng salapi ng bayan, ito’y pagnanakaw ng pag-asa. Ito ay pagnanakaw ng pangarap. Ito ay pagnanakaw ng magandang posibilidad,” ayon kay Vice.
Dagdag pa niya, “[a]t maraming tao na ang namatay dahil sa pagnanakaw ninyo ng pondo ng bayan.”
Sa pagpapatuloy ni Vice, inisa-isa niya ang mga uri ng mamamayan na silang nagdurusa dahil hindi umano nararatingan ng sapat na tulong mula sa gobyerno dulot ng umiiral na korapsyon.
“Maraming mga magulang ang hindi nakapagdala sa mga ospital ng kanilang may mga sakit na anak dahil sa korapsyon. Maraming matatanda ang hindi naagapan ang sakit dahil sa korapsyon. Maraming bahay ang nasira at nabagsakan dahil sa korapsyon. Maraming asawa ang naghiwalay dahil sa problema ng kahirapan,” paglilinaw ni Vice.
Pahabol ng Unkabogable Star na hindi lang umano salapi ang ninanakaw sa korapsyon kundi buhay rin ng mamamayang Pilipino.
“Kaya hindi lang pera ang ninanakaw ninyo, [kundi] buhay,” anang Vice.
Pinayuhan naman ni Vice si Ronron bawian niya umano ang mga nangungurakot umano sa pamamagitan ng pagboto nang tama at huwag pumayag na patuloy mangyari ang mga katiwalian.
“Kaya balikan mo ang mga nagnakaw sa ‘yo. Di ba, mababalikan natin sila? Sa anong paraan? Sa pagboto nang tama, sa ‘wag pagpayag na ito ay patuloy nilang gawin sa atin, at sa ‘wag pagpayag na ito ay nagawa nila nang gano’n-gano’n lang,” pagtatapos ni Vice.
Marami namang netizens ang naantig sa “heart felt message” ni Vice at sinang-ayunan nila ang komedyante.
Anila, mabuti na lang umano at nariyan ang Unkabogable star para sa isiwalat at sabihin ang mga bagay na halimbawa sa usapin ng korapsyon.
Narito ang ilang mga komento na iniwan ng mga tao tungkol sa naging pahayag ni Vice:
“Very well said meme vice.”
“They can never make me hate meme vice... Labyu meme..”
“Bute nlng anjan nga meme to SPEAK para sa lahat ng madlang pipol.”
“Galit na galit kayo kay vice ganda laki ng tax nyan tas nanakawin lng nila,,,eto ung time makabawi ka vice ganda sa mga politician na bumabatikos sayo na nag kurap.”
“Kaya nga please lang, utang n loob, talinuhan n natin sa pagboto, turuan na din mga anak natin paano pumili, maging mapagmatyag, manood ng balita pag may bahid wag n muna iboto..unless mapatunayan n malinis sya.”
“Super Legit lahat ng sinasabe ni Vice, nd lng pera or kaban ng bayan dahil mismong buhay din talaga.”
“I give credit where credit is Due....thanks Vice Ganda.”
“Tama magkaisa pra sugpuin ang BUWAYA S BANSA.”
“Mabuhay ang uniteam lalo na dds,buhay na buhay mga buwaya sa gobyerno!!”
“Siguro pag wlang korap lahat ng pilipino may trabaho wlang nag iibang bansa para mag trabaho.”
Samantala, walang namang nabanggit na partikular na pangalan at ahensya kung sino ang mga tinutukoy ni Vice sa kaniyang pahayag.
Mc Vincent Mirabuna/Balita