Ang mental health ay ang kalusugang pangkaisipan na nagbibigay kakayahan sa isang indibidwal para makapag-isip, kumilos, at makapagdesisyon iba’t ibang pangangailangan at pagbabago sa buhay.
Ayon sa Mental Health Foundation, katulad ng ating pisikal na kalusugan, ang ating kalusugang pang-isip ay importante dahil naaapektuhan nito ang atin kapasidad na makaramdam.
At katulad ng mga pagbabago sa panahon, ang ating mental health ay maaari rin sumailalim sa iba’t ibang pagbabago depende sa pangyayari, kung kaya’t mahalaga na mayroong suporta mula sa mga kapamilya o kaibigan na puwedeng malapitan at masabihan ng nadarama.
Sa Pilipinas, may mga batas na nagbibigay atensyon at importansya sa mental health para masigurado na ang pangkabuoang kalusugan ng mga Pilipino ay napangangalagaan.
Ang ilan dito ay ang Republic Act (RA) No. 11036 o ang Mental Health Act at ang RA No. 12080 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.
Ang RA No. 11036 o ang Mental Health Act ay ang batas na nagbibigay access sa mga mamamayan na magkaroon ng dekalidad, abot-kaya at culturally-appropriate mental health care.
Dito rin ay sinisigurado ng gobyerno na ang mga serbisyo para pangalagaan ang kalusugang pangkaisipan ay walang bahid ng coercion o pamimilit para masiguradong ang mga mamamayan ay malayang makakapagdesisyon ng walang diskriminisasyon at estigma.
Sa RA No. 12080 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act naman, binibigyang pagkilala ng gobyerno ang mahalagang gampanin ng mga eskwelahan sa pagtuturo ng mental health.
Sa ilalim ng batas na ito, mayroong mga itinatalagang mga mental health professionals para siguraduhin na mayroong malalapitan ang mga estudyante, mga programa na nakatuon sa pagtuturo ng kahalagahan ng mental health, at training sa mga guro at personnel ng eskwelahan para maayos na mabigyang pansin ang mga bata.
Bukod sa mga ito, narito ang ila pang paraan para mabigyang importansya ang mental health:
1. Regular na pag-eehersisyo:
Ayon sa Mental Health Foundation, ang pagiging active ay nakatutulong para mapababa ang lebel ng stress hormones sa katawan, na tinatawag na adrenaline at cortisol. Ito’y dahil nakatutulong ang physical activities na maibsan ang pisikal na pananakit na dulot ng stress tulad ng pananakit ng likod, sakit ng ulo at leeg.
Naglalabas din ng feel-good chemicals ang pageehersisyo na tinatawag na endorphins para matulungang makapag-relax at mas maging kalmado ang katawan.
2. Regular na pagkain at pag-inom ng tubig
Sa pag-aaral ng National Institute of Mental Health (NIH), ang balanced diet at regular na pag-inom ng maraming tubig ay makatutulong na magkaroon ng sapat na enerhiya at focus ang isang indibidwal.
3. Pagtulog nang maayos
Ayon din sa NIH, mahalaga na magkaroon ng routine sa pagtulog, dahil ito ay ang paraan ng katawan para gumawa ng bagong pathways para matulugnan ang isang indibidwal na matuto at makaalala ng bagong impormasyon.
Sa maayos din na pagtulog, maaari pang mapababa ang pagkakaroon ng pangmatagalang sakit dala ng pagpupuyat tulad ng sakit sa puso, high blood pressure, obesity, at stroke.
4. Magkaroon ng mga layunin at prayoridad
Ayon sa pag-aaral ng All Day Medical Care, dahil ang pagkakaroon ng goals o mga layunin ay nakatutulong para magkaroon ng maayos na structure at motibasyon ang isang indibidwal, ito’y nakatutulong para magkaroon ito ng “sense of accomplishment,” na nakapagpapataas ng self-esteem o pagtingin sa sarili.
Ang pagkakaroon din mga layunin ay nakapagpapababa ng stress dahil nararamdaman ng isang indibidwal na siya ay may kontrol sa kaniyang buhay.
5. Maging konektado sa mga malalapit na tao
Higit sa lahat, mahalagang magkaroon ng koneksyon sa mga tao sa paligid, mapa-pamilya man ito, kaibigan, o isang komunidad.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, bilang mga tao, tayo ay social creatures, at ang relasyon sa ating pamilya at mga kaibigan ay mahalaga sa ating pamumuhay.
Ang pakikisama at pagkonekta sa iba ay nakatutulong para magkaroon ng matatakbuhan sa oras ng pangangailangan at kausap sa mga magagandang araw.
Mahalagang tandaan na sa pagtahak sa buhay, hindi ka nag-iisa. At bukod sa mga payong ito mula sa mga eksperto, mahalaga pa rin na pumunta sa isang propesyonal para magkaroon ng mas akmang tulong at abiso.
Sean Antonio/BALITA