December 13, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga pelikulang Pinoy na puwedeng gawing pang-tribute kay Teacher

ALAMIN: Mga pelikulang Pinoy na puwedeng gawing pang-tribute kay Teacher
Photo courtesy: Unsplash, gmanetwork (IG)

Kinikilala bilang “pangalawang magulang,” ang mga guro ang nagsisilbing pundasyon sa pagbuo ng bansang may prinsipyo, katalinuhan, at kakayahan na abutin ang pangarap nito. 

Ito’y dahil ang mga guro ang humuhubog sa kabataan mula pa lamang sa loob ng klasrum, kung saan sila ay nagtuturo ng mga kaalaman hindi lang mula sa libro, kung hindi pati na rin sa mga nangyayari sa lipunan. 

Kung kaya’t alinsunod sa Presidential Proclamation No, 242, idineklarang National Teachers’ Month ang Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 bilang pagbibigay-pugay sa mga sakripisyo at mga aral na ibinabahagi ng mga guro. 

Dito ay binibigyang pagpupunyagi ang mga mahalagang gampanin ng mga guro sa paggabay ng mga pamilya, pagtatatag ng mga komunidad, at pagbubuo ng isang bansa. 

Human-Interest

Misis sinimot 13th month pay ni Mister nang walang paalam: ‘May karapatan ako sa pera mo!'

Kung kaya naman bilang dagdag-pagkilala, narito ang ilang mga pelikulang nagbibigay-importansya sa mga guro, na puwedeng gawing tribute para sa National Teachers' Month:

1. Munting Tinig (2002)

Ikinuwento rito ang istorya ni Melinda Santiago (Alessandra De Rossi), isang guro sa isang maliit na baryo ng Malawig, kung saan, dahil sa kahirapan at korapsyon, karamihan ay pinipili na lamang sumali sa guerilla habang ang mga bata naman ay pinipili na lamang magtrabaho sa mga sakahan kaysa pumasok sa eskwelahan. 

Sa kabila nitong mga pagsubok na ito, pinasok niya ang kaniyang klaseng tinuturuan sa isang choral competition, kung saan hindi lamang pondo para sa eskwelahan ang makakamtan kung hindi pati na rin ang patunay na sa kabila ng mga paghihirap, maaari pa rin silang magkaroon ng pag-asang panghahawakan. 

2. Mila (2001)

Ang pelikulang ito ay base sa totoong buhay ni Anita Pamintuan na namatay sa kasagsagan ng kaniyang pakikibaka para sa maayos na sweldo at kompensasyon para sa mga guro sa mga pampublikong paaaralan sa bansa. 

Sa pelikula, si Mila Cabangon (Maricel Soriano) ay isang grade school teacher sa isang pampublikong paaralan, kung saan, siya’y matapang na lumaban para sa karapatan ng kaniyang mga kapwa guro. 

Bagama’t ipinakita ang kaniyang paghihirap sa ilalim ng sistemang ginagalawan, si Mila ay naging inspirasyon sa mga taong kaniyang nakadaupang-palad.

3. Balota (2024)

Umikot ang istorya ng pelikulang ito sa katapangan ni Emmy (Marian Rivera), isang strikto ngunit sikat na guro sa kaniyang baryo. 

Sa kasagsagan ng eleksyon noong 2007 nagkagulo sa kaniyang baryo, kung saan siya ay parte ng Board of Election Inspectors sa kaniyang presinto dahil sa mga grupo na nais dayain ang mga resulta ng eleksyon. 

Dala ang ballot box na naglalaman ng huling kopya ng mga resulta ng eleksyon, tumakbo si Emmy sa kagubatan dala ang mga balota para maprotektahan ito. 

4. Maestra (2017)

Sinundan dito ang istorya nina Iah (Anna Luna), Gennie (Angeli Bayani), at Espie (Gloria Sevilla), mga babae na patuloy nagpapakita ng determinasyon sa harap ng mga pagsubok sa kanilang buhay para makamit ang kanilang pangarap maging guro. 

Si Iah bilang anak ng isang mangingisda sa Romblon, si Gennie, bilang gurong Aeta, bagama’t parehas na lugmok sa kahirapan ay determinadong sa pagiging guro. 

Habang si Esperanza ay isang retired na guro na dedikadong magpatuloy sa pagtuturo bilang pagmamalasakit sa bayan. 

5. Ang Maestra (1941)

Sinundan dito ang istorya ng isang estudyante (Rosa del Rosario)  na bagama’t humaharap sa hirap ay nagtatrabaho bilang part-time tutor bilang pambayad sa kaniyang kolehiyo at pag-iipon para sa kaniyang board exam sa pagka-guro. 

Ipinakita sa pelikulang ito ang mga isyu na kinakaharap ng mga estudyanteng nangangarap maging guro, at ang kagustuhan nila makaahon sa kahirapan sa kabila ng mga pagsubok. 

6. My Teacher (2022)

Sinundan sa pelikulang ito ang istorya ni Emma Bonifacio (Toni Gonzaga), na napilitan bumalik sa bansa mula sa pagtuturo abroad, kung saan dito ay naatasan siyang magturo ng mga bata mula sa itinuturing na pinakamababang section. 

Dito ay kaniyang nakilala ang 70-anyos na estudyanteng si Solomon Bienes (Joey De Leon), na nais matututo ng Ingles para makausap ang kaniyang pamilya sa abroad na matagal na siyang iniwan. 

7. “Papel”: A Gabay Guro Short Film (2019)

Isang maikling palabas ng Gabay Guro, ipinakita rito ang istorya ng batang si Makoy na mayroong malawak at makulay na imahinasyon sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap sa pamilya, na kaniyang ipinahahayag sa pamamagitan ng mga papel na manika. 

Patuloy na naging mas matatag si Makoy dahil na rin sa suporta ng kaniyang guro na si Miss Alice (Trixie Ribaya).

Ipinakita sa maikling palabas na ito ang malaking gampanin ng mga guro sa buhay ng kanilang estudyante, at sa pagimpluwensiya rito na patuloy na pagyamanin ang kanilang talento at hiliig. 

Ito naman ang ilang pelikula mula sa international scene na nagbibigay tribute rin sa mga guro:

1. Dead Poets Society (USA, 1989)

Ang pelikulang ito ay tungkol kay John Keating (Robin Williams), na bagong guro sa isang all-boys preparatory school na kilala para sa tradisyonal nitong pamamalakad. 

Dito, si Keating ay ginamit ang tula para matulungan ang kaniyang mga estudyante na ipahayag ang kanilang sarili at abutin ang kanilang mga pangarap sa buhay. 

2. The Ron Clark Story (USA, Canada, 2006)

Ikinuwento dito ang istorya ni Ron Clark (Matthew Perry) na isang guro sa elementarya sa North Carolina, kung saan siya ay malapit sa mga kapwa-guro at mga estudyante dahil sa kaniyang mga makabagong pamamaraan ng pagtuturo. 

Bagama’t naituturing na magaling sa kaniyang larangan, lumipat siya sa New York, kung saan, pinili niyang turuan ang isang section ng mga estudyante na maituturing na “disadvantaged” dahil sa hirap turuan ng mga ito. 

Dito ay naging purisigido siya na turuan at intindihin ang kaniyang mga estudyante para mailabas sa mga ito ang kanilang mga talento at potensyal, dahil dito, kalauna’y nagkaroon ng mas maayos na direksyon ang kaniyang mga estudyante at siya’y naging isang best seller author at nakapagbukas ng sarili niyang academy. 

3. Freedom Writers (USA, 2007)

Sinundan dito ang kuwento ng isang dedikadong guro na si Erin Gruwell (Hilary Swank), sa isang eskwelahan sa Long Beach, California, kung saan, ang mga estudyante na kaniyang tinuturuan ay kinokonsiderang wala nang pag-asa pang matuto at magpatuloy sa kanilang edukasyon. 

Bagama’t kumaharap sa maraming pagsubok maging sa kaniyang personal na buhay, patuloy na ipinaglaban ni Erin ang kaniyang mga estudyante at inudyok ang mga ito na magsumikap sa kanilang edukasyon.

Kalauna’y nakumbinsi ni Erin ang superintendent ng kanilang eskwelahan na payagan siyang magpatuloy sa pagtuturo sa mga estudyante sa kanilang junior at senior year, at dahil dito’y natulungan pa niya na makapagtapos ang karamihan ng kaniyang estudyante sa high school at nadala hanggang kolehiyo. 

Sean Antonio/BALITA